"KUKUNIN KA RIN NILA ANAK. Dito ka lang sa tabi ko
ha?" nilagyan ni Narcissa ng piritong tilapia ang pinggan ni Bam pagkatapos
tanggalin ang mga tinik. Tango lang ang sinagot ng pitong taong gulang na bata.
Maglilimang buwan na silang hindi lumalabas ng bahay. Hindi na rin pumapasok si
Bam sa eskwela. May kukuha raw sa kaniya.
"Dito
lang tayo sa bahay ha? Maglalaro tayo kung gusto mo... pero hindi na tayo
lalabas. Kasi kukunin ka nila."
Hindi na
lang kumibo si Bam. Tahimik na kinain ang tilapiang sinawsaw sa toyo at
calamansi. Sawa na siyang maglaro sa loob ng bahay. Mukha na lang kasi ng nanay
na si Narcissa ang nakikita sa araw araw. Ang lubog na mga mata nito, blangko
at parang laging malayo ang tingin. Ang hanggang balikat na buhok ng ina na sa
kakasuklay ay nagsisitikwasan na at ang payat nitong katawan na gustong
magpatangay sa malakas na hangin. Silang dalawa lang ang tao sa bahay. Tahimik.
Walang siyang ibang naririnig kung hindi ang malumanay na boses ng ina na
parang laging nagpapatulog, isang lullaby.
Malaki ang
bahay nila. Bahay na bato. Bahay na batong walang laman. Kulang kulang sa
appliances. Bungi bungi sa mga kasangkapan. Binenta, ninakaw o nawala ng kusa.
Up and down. May tatlong kuwarto, para sa nanay niya, sa kaniya at dating
kuwarto ng kaniyang kuya. Walang TV. Walang radyo. Ang tunog ng bahay ang
nagsisilbing musika sa tenga ni Bam. Dahil patay na ang ama, wala nang nag-aayos
sa bahay nila. Tumutulo kapag umuulan at ang mantsa ng basa ng ulan ay bumubuo
ng kung anu-anong imahe sa kisame. Paborito niya ang ulan dahil para sa kaniya
parang rock song ang pagtambol ng ulan sa yero, palakas nang palakas, tapos
hihina sasabayan pa nang dagundong ng kulog. Dinig na dinig din ang mga langitngit sa kahoy
na sahig tila isang malungkot na ballad patungkol sa mga paang hindi magtagpo
tagpo. Ang audience ay mga naglalarong gagambang bahay sa mga agiw at alikabok.
Kasabay nito ay ang pagsasayaw ng aandap-andap na ilaw sa hagdan. Parang
librarian naman ang banyo, susuwayin ang rocker na ulan at ang emoterong sahig,
balot kasi siya sa katahimikan. Walang nagsasayaw na ilaw dahil pundido na ang
bumbilya sa banyo. Takot si Bam umihi dahil sa kadiliman, ang patak ng tubig sa
gripo ay tila nagbabanta. Mga nota mula sa suspense film, handang manggulat. Tuluyan
na ring napatda ang aandap-andap na ilaw, kaya umaga man, tanghali o gabi, laging madilim ang kanilang bahay. Nawala na tuloy sa tahanang iyon ang konsepto ng oras, ng araw at ng gabi.
Pok. Pok. Pok.
Ipinako na ni Narcissa ang lahat ng bintana at pintuan maliban na lang ang sa pinto sa harapan. Ni hindi man lang makasilip ang guhit ng araw kahit sa siwang
ng pinto dahil tinakpan ito ng mga basahan at kurtina. Bawal daw na masilip
sila dahil tinatago niya si Bam. Bawal siyang mag-ingay.
"Pagkatapos
mo, maghilamos ka na at magtooth brush ha? Matulog ka na at gabi na." Sabi
ni Narcissa na may ngiti sa labi, tila sinisugurado ang anak na walang masamang
mangyayari. Lingid sa mag-ina, tirik na tirik ang araw sa labas. Hindi pa
inaantok si Bam pero sumunod siya sa ina. Uminom siya ng tubig at pumunta sa
lababo para magsipilyo. Paubos na ang tooth paste nila. Piniga na ito hanggang
sa huling laman pero para masimot, ginupit na ito para makuha ang latak.
"Maghilamos
bago matulog?" pahabol pa ni Narcissa, ginabayan pa si Bam sa
pagsisipilyo. "Wag lulunukin ang pinagmumugan." Tahimik lang si Bam
habang nagmumumog. Grug. Grug. Grug. Parang bumubulwak na tubig mula sa kanal.
Grug. Grug. Grug. Pwe. Naglaro ang tubig at bula sa lababo. Pinunasan ni Narcissa ang mga bula ng
toothpaste sa gilid ng bibig ng bata na dumudungis sa kaniyang bibiluging mukha.
Ngumiting muli si Narcissa, "Hindi ka nila makukuha sa'kin." Yinakap
niya ang anak. Hindi yumakap si Bam. Sanay na sanay na siya sa eksenang ito.
Halos wala nang kahulugan sa kaniya ang salitang hindi ka na nila makukuha sa
akin. Malamang. Bukod sa maglilimang buwan nang paulit-ulit na sinasabi sa
kaniya ng nanay niya yun na ala sirang plaka, nakakulong sila ngayon sa isang
bahay at walang sino man ang makakapasok pa. Hindi talaga siya makukuha.
"Hilamos na!" Atat siyang hinila ng ina paakyat, papunta sa madilim
na banyo.
Madiin
magpunas ng bimpo si Narcissa. Damang dama ni Bam ito sa kaniyang balat.
"Ako ang nagpalaki sa'yo kaya hindi ka nila makukuha sa'kin." Kahit
masakit, hindi uma-aray ang bata. Walang binatbat ang kadiliman sa ina.
Kabisado na ni Narcissa ang banyo kaya walang kahirap hirap niyang nadukwang
ang tabo sa timba. Binuksan din ang gripo pero mahina lang para hindi raw takaw
pansin ang tunog nito. Tap. Tap. Tap. Tap. Pagkatapos sa bimpo ay panghilod
naman na bato. Magaspang ito na pakiramdam ni Bam balat na ang nawawala sa
kaniya at hindi ang mga libag na pilit na tinatanggal ng nanay.
Mabagal ang
pag-ikot ng electric fan sa kuwarto ni Bam. Kaunti na lang kasi ay magtatagumpay
na ang mga alikabok sa pagsakop sa elisi nito. Pwedeng magdrawing ng smiley sa
kapal ng namuong alikabok. Kinumutan siya ni Narcissa. Kinuwentuhan siya na hindi
raw siya makukuha kahit anong mangyayari dahil kasama niya ang kaniyang ina. Walang
fairy tale, walang kuwentong engkanto't aswang at ng mga diwata. Walang
kuwentang kuwento na paulit ulit na lang. Wala nang makakakuha pa sa kaniya. Hinalikan
siya sa noo ng ina. Lumabas ito at tinignan siyang muli, hindi nawala ang
ngiti. "Good night." Click,
sabi naman ng lock sa labas ng kaniyang pintuan. Tirik na tirik pa rin ang araw
sa labas.
TIK. TAK.
TIK. TAK. TIK. TAK. Walang orasan sa kuwarto ni Bam. Imagination lang niya yun.
Ang mabagal na elisi ng electric fan at ang ugong nito ang nagsilbi niyang
pampatulog. Ang kaso hindi pa siya inaantok. Ayaw pa niyang matulog. Takot
siyang matulog. Nakahiga lang ito at nakatitig sa kisameng may mantsa mula sa
pagtulo sa bubong tuwing umuulan. Hindi na niya nakita pang muli ang ulap. Ito
na ang bago niyang ulap. Hugis babae. Hugis mukha. Hugis baboy. Hugis buwan.
Hugis dahon. Hugis bata. Hugis... aso.
"TAKBO
BAM!"
Hindi
makagalaw si Bam. Umalingawngaw ang mga tahol ng aso. Hindi pa rin siya
makagalaw. "Takbo! Takbo! Takbo!" Limang malalaking aso ang nagmula
kung saan man. Tumatakbo ang kaniyang kuya, napako lang siya sa kinatatayuan.
Nasa malawak na damuhan sila. Walang mahingan ng tulong. Naabutan ang kaniyang
kuya. "Takbo ----" Sinagpang ito ng pinakamalaking aso, kumagat ang
isa pa... Hindi nagpahuli ang dalawa pa. Gigil na pinagngangasab ang katawan ng
bata ng mga gutom na aso. Sigaw, impit at napupunit na damit ang nag-aagawang
tempo sa musikang nilikha ng mga aso.
Do. Ngasab sa tagiliran.
Re. Ungol ng kuya niya.
Mi. Napupunit na balat.
Tumugtog sa tenga ni Bam nang sabay sabay. Nahating pira-piraso
ang kaniyang kuya sa isang iglap. At simula nun hindi na nagsalita pa si Bam.
Namuhay na lang siya sa katahimikan.
Dumilat si
Bam. Mabilis siyang tumakbo sa pinto. Nakalock. Napasandal na lang siya at napaupo.
Malamang tulog pa ang nanay niya. Simula noong mamatay ang kuya niya ay lagi na
siyang sinusundan sa panaginip ng kaganapang yun. Ang pangyayaring pumipi sa
kaniya. Hindi na niya maalala ang sariling boses dahil hindi na siya
nakapagsalita. Kahit nakapikit, pilit pa ring nagsusumiksik sa kaniyang mga
mata ang imahe ng pagkakapira piraso ng kaniyang kuya. Kukunin din daw siya.
Hindi nang mga aso. Iba pa. Basta may gustong umangkin sa kaniya.
POK.
Hindi mapakali si Narcissa.
Pok.
Pok.
Pok.
Nakatanghod si Bam habang minamartilyo niya ang harapang
pintuan.
"Darating na raw sila, anak. Mula raw sa dagat."
Sino? Ano? Mga tanong na lumutang sa isip ng bata pero hindi niya magawang
maitanong. "Hindi ka pa rin nila makukuha." Pok. Pok. Pok. Tunog a
capella, sasabayan ng mga kalansing ng pakong nahulog sa aligagang kamay ni
Narcissa. Isang choir na handang handugan ng konsiyerto si Bam. Ipipikit niya
ang kaniyang mga mata.
Pok.
Pak.
Klang.
Pok.
Pak.
Klang.
Pok.
Pak.
Klang.
"Darating na sila, anak. Mula sa malayo. Mula sa
dagat."
SWOOOOOOSH.
Wala sa tono ang hangin. Napakadilim sa bahay. Umungol muli ang malakas na
hangin. Katabi ni Bam ang ina. Nagha-hum ng lullaby. Takip ni Narcissa ang
kaniyang tenga. Hmmm. Hmmm. Patuloy nito. May yerong nakausli sa bubungan nila.
Nakikipag-away sa hangin. Nagrarap ito sa gitna ng pag-awit ng hangin. Tiktikitikkitikitikitik.
Swoooooooosh. Dahan dahang papatak ang ulan, mahina hanggang palakas nang
palakas. Parang naglilipat ng radyong walang signal. Swooosh. Kssssssssssst.
Tiktikitikkitikitikitik. Rock concert. Nalunod na ang uyayi ng ina. Dumating na
ang kukuha kay Bam. Nanggaling nga ito sa dagat.
NAKABIBINGING
KATAHIMIKAN. Hindi marinig ni Bam ang rock concert ng ulan o ang ballad ng
langitngit ng sahig. Wala na rin ang rapper na yero. Pero umuulan sa labas.
Malakas pero walang tunog. Nagtaka si Bam. Tumayo sa kama para lumabas. Click.
Naalalang nakalock nga pala siya sa kaniyang kuwarto. Tap. Tap. Tap. Tap.
Tap.
Sinundan ni Bam ang tunog.
Tap.
Tap.
Mula sa kisame.
Tap.
Tumingala ang bata.
Tap.
Wala naman.
Tap.
Pinagmasdan niyang mabuti ang kisame.
Tap.
May nabuong imahe.
Tap.
Babae?
Tap.
Lalaki?
Tap.
Hayop?
Parang nakikipag Pinoy Henyo siya sa kisame.
Tap.
Tap.
Aso?
Tap.
Patak mula sa ulan. Tumatagos na sa kaniyang kisame. Dahan dahan niyang sinundan ang patak mula sa
kisame ang kaso pagtungo niya sa sahig kung saan bumagsak ang patak sa harapan
niya ay may mukha. Nakangisi. Nagulantang si Bam.
"Akin ka!" Ngumanga ito at nalaglag siya. Sumigaw
siya pero walang tunog na kumawala mula sa kaniyang bibig.
DUMILAT SI
BAM. Dug. Dug. Dug. Dug. Dug. Drumbeats nang kaniyang kumakaba kabang puso.
Mabilis ang ritmo, bumibeat box sa kaniyang dibdib. Muling napapikit dahil sa
liwanag. Liwanag? Ito ba ang laman ng kumuha sa kaniya? May liwanag? Kumurap si
Bam. Matatauhan. Nakita niya ang pinagmulan nitong guhit ng liwanag na sumilaw
sa kaniya. Maliit na butas mula sa kaniyang bintana at maaaring kagagawan ng
bagyo kagabi. Sabik na sabik na lumapit si Bam.
Sumilip siya
rito. Bughaw na ulap. Matagal na ring hindi napangiti si Bam. Ito yung eksenang
cliche na umawit bigla ang mga anghel sa langit para kay Bam. Click. Napatingin
si Bam sa kaniyang pintuan. Nagising na si Narcissa. Nataranta si Bam.
Click.
Pinaikot na ni Narcissa ang susi.
Kumalas ang lock.
Click.
Pagbukas ng pinto, nakatingin lang sa kaniya si Bam.
Pinagpawisan. Nanlaki ang mga mata ni Narcissa dahil nakita niyang nakaguhit
mula sa maliit na butas ang isang linya ng liwanag. Halos mawalan siya ng bait.
Nagtitili si Narcissa. Mabilis na hinablot ang anak. Nagulat si Bam. Singtinis
nang sigaw ng ina ang tunog ng mic na nalapit sa speaker. Hinatak siya nito
papasok sa kuwarto ng nanay, nakaguhit pa rin ang gimbal sa mukha nito. Mabilis
na sinara ni Narcissa ang pinto. Click, sabi ng lock. Madilim ang kuwarto ng
ina. Amoy luma. Amoy aparador. Amoy sinaunang panahon. Niligid niya ang silid,
parang wala sa sariling bahay. Ibang iba ito. Hindi niya kilala ang amoy, ang
mga tunog, walang musika, walang ritmo. Nasa utak pa rin niya ang butas sa
kaniyang kuwarto, ang guhit ng liwanag, sa gitna ng katahimikan, tila nakarinig
siya ng isang masayang allegro na nakikipaglaro sa kaniyang tenga.
WALANG TIGIL
ANG PAGPUKPOK. Paglagari. Pagpukpok. Paglagari. Buong magdamag, naging saliw na
ito ng araw ni Bam. Ang pugpok ay tunog ng mga tambol habang nagsasayaw ang mga
babae sa gilid ng dalampasigan, naghahabulan ang mga bata. Ang lagari ay isang
gitara, gitarang napatid ang string pero pilit pa ring gumagawa ng tunog para
sa isang musikerong mataas ang pangarap. Salit salit silang tumutugtog.
Ninanamnam ni Bam ang bawat kumpas ng pukpok. Pok. Pok. Pok. at bawat Kzzzt.
Kzzzt. Kzzzt. Tila walang katapusan. Hindi alam ni Bam kung ilang oras na ang
lumipas noong muling buksan ni Narcissa ang pinto sa kuwarto nito. "Naririnig
ko na sila anak... pero hindi ka pa rin nila makukuha sa akin." Niyakap
siya ni Narcissa. Nanginginig na si Bam, kumakanta na ang tiyan nito.
PAGBALIK NI
BAM SA KANIYANG SILID HINDI NA NIYA KILALA ANG KANIYANG BINTANA. Para na itong
pinagtagpi tagping retaso, mga bubong sa iskwater na pilit na pinagpatong
patong para lang may masilungan. Mas madilim kaysa sa dati. Pero pagtingala
niya, yun pa rin naman ang mga anino sa kisame.
TAP.
Tap.
Tap.
Maulan na talaga. Ilang araw nang bumuhos ito. Ilang araw ng
may rock concert sa kanila. Walang sinabi si Narcissa kay Bam kundi nandiyan na
sila. Wala namang nakikita si Bam.
POK. POK. POK.
Pati pinto sa harapan ng bahay nila, paniguradong wala na
ring makakapasok. Wala na silang upuan. Ang lamesa ay nakadikit na sa pinto.
"MALAPIT
NA SILA." Matipid na sabi ni Narcissa habang humihigop ito sa kaniyang
maputlang kape na walang asukal. "Akin ka lang." Sabi lang nito, hindi
malaman kung paano lalaban sa mga kukuha raw diumano sa kaniyang anak.
POK. POK.
POK. POK. Nagising si Bam isang gabi dahil sa sunod sunod na pagpukpok sa
kaniyang pintuan. Tumayo siya mula sa kaniyang kama, matatabig ang mangkok sa
sahig. Nagulat si Bam sa pagkaing nakahain sa sahig ng kaniyang silid. Piritong
tilapia, chicharon, piritong itlog, isang kaldero ng kanin, adobo,
sinigang, pero hindi naman niya
birthday. Patingkayad niyang iniwasan ang mga putahe at tinakbo ang pinto. Alam
niyang nakalock, pero sinubukan pa rin niyang buksan ito. "Anak,
dumating na sila. Hindi ka nila makukuha sa'kin." Sabi ni Narcissa sa
kabilang parte ng pinto. Hindi kumibo si Bam. Katahimikan. Natapos na ang ina
sa pagpukpok. Itinulak ni Bam ang pinto, pinako na rin siya ng nanay niya sa
loob ng kuwarto. Napasalampak na lang siya sa sahig at pinagmasdan ang maraming
pagkaing nakahain sa harapan niya. Katahimikan. Nagsimula siyang kumain. Pinilit
niyang gumawa ng musika at ayaw magpatalo sa katahimikan. Kinagat ang
chicharon, ang lutong nito ay isang tambourine na nagpaindak kay Bam tapos
humigop ng sabaw sa sinigang na nagala trumpeta. Ang kalansing ng kubyertos ang
nagmistulang mga palakpak sa kaniyang munting palabas.
Katahimikan.
Ratatatatatat.
Binasag ang musika sa utak ni Bam.
Ratatatatat.
Napatingin si Bam sa pintuan niya. Matinis ang sigaw ni
Narcissa. "HINDI NIYO MAKUKUHA SA AKIN ANG ANAK KO! AKIN SIYA!!!!"
Natabig ni Bam ang kaldero, tinamaan ang mangkok ng sinigang na kumalat ang
sabaw sa sahig.
Ratatatatat.
Hindi niya malaman kung saan ibabagay ang tunog. Heto na ba
ang mga kukuha sa kaniya?
Katahimikan.
Nakatayo pa rin sa tapat ng pintuan ang batang si Bam.
PAK. PAK.
PAK. Binabaklas ang mga kahoy sa
kaniyang pintuan. Ang mga kahoy na pinagpapako ng kaniyang nanay. PAK. PAK.
BLAG. Nag-uusap ang mga tao sa labas, hindi niya maintindihan. Animo'y galing
sa ibang mundo. Mga ibang nilalang. Napaurong si Bam. Natapakan ang mga ulam,
kumanlansing ang mga pinggan, platito at mangkok. Nag-usap muli ang mga
nilalang sa labas ng kaniyang kuwarto. Hindi pa rin niya maintindihan ang mga
ito. Tumakbo siya sa aparador.
Ratatatatatatat.
Nagtakip ng
tenga si Bam. Nalaglag ang pirapirasong mga kahoy mula sa pinto. Sinipa ng
nilalang ang pintuan. Bumagsak ito sa mga pagkain. Umuusok pa rin ang silid
mula sa armas nila. Ito na nga ang mga kukuha sa kaniya. Hindi siya papayag,
ayaw ng kaniyang ina. Nakasilip si Bam sa siwang ng aparador. Pumasok ang isang
lalaki. Hindi katangkaran. May kasunod pa itong ilang lalaki. Maputi sila
kumpara sa kayumanggi niyang balat. Hinalughog ang kuwarto niya. Wala silang
laban sa pagsalakay ng mga nilalang na ito. Hindi siya magpapakuha. Hinding
hindi -- sumigaw ang isa dahil wala siya sa kama. Ano raw? Hindi pa rin niya
maintindihan ang salitang lumalabas sa mga bibig nito. Naniningkit na lalo ang
kanilang mga mata, tila guhit na lang ang mga ito sa mukha. Gustong idagdag ni
Bam ang mga yabag, ratatatat at salita ng mga dayuhang ito sa panibagong himno
sa mga notang bumubuo sa bahay na yun, sa langitngit ng sahig, sa patak ng
ulan, sa kaluskos ng yero, sa kalansing ng mga pinggan, sa mga pukpok at tap
tap pero hindi niya maintindihan na kahit ipilit niyang ilagay ang mga ito sa
kadiliman ng kanilang bahay, kahit isabay pa sa mga sigaw ng kuya sa kaniyang
bangungot at sa paulit ulit na uyayi ng kaniyang ina, hindi talaga tumotono ang
kanilang kanta.
pa-cool ako ngayon kaya may i-post ako ng aking maikling kwento for fun. ano ang mga nilalang na yan?! lol