Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga gabing walang tulog

Maraming pagsasaliksik ang nagpapatunay ng halaga ng pagtulog sa pagmamantini ng mga proseso ng katawan. Ang mata at ang iba pang mga parte ng katawan na sensitibo sa ilaw ang kumokontrol sa maraming mga proseso, lakip na ang pagtulog. Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang pagtulog ay dumarating sa gabi, kapag madilim.

Pero dahil sa trabaho at sa marami pang aspekto ng abalang buhay sa mga lunsod ngayon, ang gabi ay nagiging araw na rin para sa marami. Hindi na regular ang siklo ng pagtulog at paggising para sa maraming kabataan na buhay na buhay ang night life. Ang mga nagtatrabaho naman ay nagpapalit-palit ng pattern ng pagtulog dahil sa pagbabago ng shift sa trabaho (nakilala ko ang team leader ng isang grupo ng mga mananaliksik na Pilipino at Aleman na patuloy pa ring nag-aaral sa mga epektong dulot ng shift work sa mga empleyado).


*****

Wala naman akong pabagu-bagong shift sa trabaho, at lalong wala akong night life. Pero sa nakaraang mga gabi, maraming iba't-ibang salik ang humahadlang para magkaroon ako ng isang mahaba at matiwasay na pagtulog.



Noon, kapag pinatay na ang mga ilaw at nasabi na ang pasasalamat sa Diyos sa isang makabuluhang araw, basta na lang darating ang tulog sa akin, parang computer na dahan-dahan ang shutdown. Anumang likot ng katawan ay di alintana ng isip na naglalakbay sa kawalan, sa mundo ng malalalim na panaginip na madalas ay agad ding nakakalimutan sa paggising.

Pero ngayon, sa maraming pagkakataon, parang nagtampo ang antok at ayaw man lang akong dalawin. Parang computer na hindi makapag-shutdown dahil may mga abalang proseso, ang utak ko ay binabato ng kung anu-anong mga alaala. Gusto na niyang planuhin ang mga gagawin kinabukasan (na madalas naman ay hindi rin natutuloy). Inuulit niya ang mga eksena sa maghapon (na kapag pinigil ko ay papalitan naman niya ng iba pa). Sakali mang masawata ko ang sobrang aktibong isip, sa isang mahinang kaluskos na nasagap ng tainga o sa isang marahang paggalaw at pagbaling ng paa ay muli niya akong gigisingin para ulitin ang proseso. Sa bawat paggising, may pabaon itong isang napakadetalyadong panaginip na patuloy kong maaalala at pag-iisipan kinabukasan.

*****

Hindi ko na alam kung ano ang sanhi at kung ano ang epekto.

Pwede kasing "tumatanda" na ako kaya hindi na ako makatulog nang matino.

Pwede rin namang ang mga gabing walang tulog ang dahilan kaya tumatanda na ako (anupat kitang-kita na sa aking itsura).

Ilang minuto mula ngayon, sisimulan ko na naman ang panunuyo sa antok at paghahabol sa tulog, umaasang magiging mabait sila sa akin sa pagkakataong ito. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...