Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Happy Meal ng McDo

Dito sa Dresden, pinakamarami ang outlets ng McDonalds sa lahat ng mga fastfood. Dahil napaka-accessible nito, halos buwan-buwan ay may pagkakataon akong bumisita. Kung tinatamad magluto, o inabot na ng gutom. O kaya naman, kung, tulad ngayon, naisipan kong basta lumabas at magliwaliw.

Ang McDonalds sa Prager Straße sa Dresden.

Kung pangglobong presensiya ang pag-uusapan, ang McDonalds naman talaga ang nangunguna at di pa napapantayan. Napasok ng McDo ang halos lahat ng mga bansa, kahit pa yaong mga ayaw sa impluwensiyang Amerikano.

Siyempre pa, may mga pagkakaiba sa menu sa iba't-ibang lugar upang bumagay sa mga lokal na tradisyon at panlasa. Sa Pilipinas, halimbawa, may fried chicken at spaghetti (na matamis din, parang sa Jollibee). Kamakailan lang, sa India, nabalitang may bubuksang isang vegetarian restaurant.

Pero kahit may pagkakaiba, mayroon ding mga pagkakatulad. Halimbawa, ang pangunahing pagkakakilanlan nito na Big Mac ay tiyak na nasa lahat halos ng outlet, anupat ginamit ni Pam Woodall sa magasing The Economist ang presyo nito para paghambingin ang mga pananalapi ng mga bansa (batay sa ideya na ang palitan ay dapat na magresulta sa parehong presyo ng Big Mac), ang panukat na tinatawag ngayong Big Mac Index. At, siyempre, dahil ang mga bata pa rin ang pinakamadaling akitin na bumalik-balik para bumili, marami, kung hindi man lahat, ng mga bansang may McDonalds ang mayroon ding Happy Meal.


*****

Dito rin sa Alemanya ay may Happy Meal. Nalaman ko kanina nang may isang pamilya na sumingit sa akin sa pila (ok lang, mabait naman ako at cute naman yung bata) para umorder nito. Habang inilalapag ng kahera sa kanilang tray ang mga binili nila, pinaghambing ko ang Happy Meal dito sa alam kong Happy Meal sa Pilipinas; tiningnan ko kung ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba.

Naka-kahon: check.

Mas maliit nang kaunti ang serving: check.

Juice at hindi softdrinks ang inumin: hmm... sa Pilipinas, pwedeng hindi.

Laruan: Ooops... HINDI.

Ang kasama ng order nila? AKLAT. Oo, isang maliit at manipis na aklat pambata na may hard cover. Excited ang cute na bata, binuksan ito agad. Nakita ko kung ano ang laman sa loob: illustrated ito, pero mahaba-habang kuwento rin ito, dahil hindi gaanong malalaki ang tipo at medyo marami-rami rin ang mga pahina nito.

*****

Oo nga naman. Ito ay isang napakagandang ideya dahil sa tatlong bagay: (1) pinasisigla nito ang pagbabasa nang maaga dahil mga bata ang tumatanggap ng libro; (2) ang lawak ng saklaw ng McDo ay magpapalawak din sa dami ng mga batang maaabot nito; at (3) ang kalidad ng aklat (well, batay lamang sa pagkakita ko) ay maglilinang ng mataas din na kalidad ng pagbabasa, dahil ang aklat mismo ay (mukhang) hindi basta-basta.

Bakit kaya hindi ito ginagawa sa Pilipinas? (O, nagawa na ba ito at hindi ko lang naabutan?) Sikat tayong mga Pinoy sa paggalugad sa Internet at sa pagpapadala ng mga text message; kung tutuusin, nagbabasa naman tayo. Pero para sa akin, mas mabisa pa rin ang pagbabasa ng aktuwal na mga aklat. Bukod sa lumalawak ang bokabularyo at nakakasagap ng iba't-ibang istilo ng pagsusulat, parang mas nagagamit kasi dito ang imahinasyon. Ang hubad na mga pahina ng mga aklat -- walang kulay, walang animation, walang links -- ay nagpapasigla sa isip na bumuo ng mga larawan at mga tagpo. Hindi ko alam kung may mga pagsasaliksik tungkol dito, pero, ewan ko; may pakiramdam akong mas epektibo pa rin ito sa paglinang ng pagkamalikhain ng isang tao.

Bakit kaya hindi ito gawin sa Pilipinas?

*****

Kung, tulad ngayon, maisipan kong muling basta lumabas at magliwaliw, oorder ako ng Big Mac. Hindi Happy Meal, mabibitin ako. Pero magdadala rin ako ng libro. Magbabasa ako. ●

*****

(Pahabol: Isang magandang istorya tungkol sa mga aklat at pagbabasa: isang impormal na aklatan.)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...