Dito sa Dresden, pinakamarami ang outlets ng McDonalds sa lahat ng mga fastfood. Dahil napaka-accessible nito, halos buwan-buwan ay may pagkakataon akong bumisita. Kung tinatamad magluto, o inabot na ng gutom. O kaya naman, kung, tulad ngayon, naisipan kong basta lumabas at magliwaliw. Ang McDonalds sa Prager Straße sa Dresden. Kung pangglobong presensiya ang pag-uusapan, ang McDonalds naman talaga ang nangunguna at di pa napapantayan. Napasok ng McDo ang halos lahat ng mga bansa, kahit pa yaong mga ayaw sa impluwensiyang Amerikano. Siyempre pa, may mga pagkakaiba sa menu sa iba't-ibang lugar upang bumagay sa mga lokal na tradisyon at panlasa. Sa Pilipinas, halimbawa, may fried chicken at spaghetti (na matamis din, parang sa Jollibee). Kamakailan lang, sa India, nabalitang may bubuksang isang vegetarian restaurant . Pero kahit may pagkakaiba, mayroon ding mga pagkakatulad. Halimbawa, ang pangunahing pagkakakilanlan nito na Big Mac ay tiyak na nasa lahat halos ng o...