Tik.
Tik.
Tik.
Inangat ni Allie ang kanyang mga mata. Hinanahanap kung saan nagmula ang tunog na naririnig niya. May ilang gabi na rin siyang binabagabag ng tunog na ito. Tila siya ay sinusundan kung saan man ito magpunta.
Tik.
Tik.
Tik.
"Narinig mo yun?" tanong niya sa kanyang asawa.
"Ano yun?"
"Parang tik tik tik. Di mo naririnig?"
Umiling lang ang asawa nito.
"Lagi ko siya naririnig. Sa banyo. Sa kwarto. Sa kusina. Tik. Tik. Tik. Parang sinusundan ako. Pero pag hinahanap ko, wala."
"Parang tubig na tumutulo?" tanong ni Dan. Bigla siyang nangusisa. "Gusto mo ba di muna ako pumasok sa trabaho?"
Si Dan ay isang pulis. Bagong promote sa kanyang trabaho. Ngunit kapalit ng kanyang titulo, siya ngayon ay dapat magtrabaho na sa gabi, at kailangang iwan ang kanyang asawang limang buwan nang buntis.
"No... it's okay. Baka may di lang nadrain na tubo somewhere. Medyo luma na rin kasi tong bahay na 'to."
"Sigurado ka?"
"I'm sure hon. Tatawagan ko si tatay bukas. Papacheck ko yung mga tubo."
Hinalikan ni Dan ang asawa sa noo at nagmadaling umalis papunta sa kanyang trabaho.
Tik.
Tik.
Tik.
Lumingon si Allie. Parang kakaiba ang tunog ngayon. Mas malapit. Mas maingay.
Tik.
Tumayo si Allie sa hapag kainan upang sundan ang pinanggalingan ng tunog na ilang araw na sa kanya'y nagpapabagabag.
Tik.
Tik.
Lumabas siya ng kusina. Wala. Pinuntahan ang sala. Katahimikan. Biglang tumaas ang mga balahibo sa katawan ni Allie. Pakiramdam niya'y siya ay pinagmamasdan. Parang may mga matang di niya nakikita, pero siya'y tinititigan.
Dumungaw siya sa bintana. Payapa ang lahat. Walang hangin. Walang gumagalaw. Maliban sa puno ng mangga na ang mga dahon ay tila tinutulak ng mga ibon. O pusa? O isang malaking hayop?
Lumabas ng bahay si Allie para pagmasdan ang puno ng mangga. Ang punong ito na nasa kanilang bakuran bago pa siya ipinanganak. Isang malaking puno na kasing taas ng bahay na may tatlong palapag. Isang malawak na puno na minsan niyang naalala'y parang tahanan ng mga engkanto't diwata.
Muling kinilabutan si Allie.
Parang mayroon siyang nakitang mga mata. Bigla itong tumalikod at pumasok sa tahanan.
Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang ina. "Hi, Ma."
"Yes po, okay lang ako. Ummm... Ma. Pwede ka ba dito muna magstay sa bahay? Kahit ilang araw lang... Panggabi na kasi si Dan... I just don't feel comfortable alone... pag gabi."
Ngumiti si Allie na kaagad umoo ang ina.
Tik.
Tik.
Tik.
Tik.
Ito na naman yung tunog. Pero ngayon, parang nasa likod lang niya. Hindi na siya lumingon, at biglang tumakbo papunta sa kanyang kwarto. Agad na nilock ang pinto at nagtago sa ilalim ng kumot.
Tik.
Tik.
Tik.
Tila lumalakas at dumadalas ang tunog na kanyang naririnig. Pero ngayon, parang ito'y nasa buong bahay na niya.
Tik.
Tik.
Sa may bintana.
Tik.
Tik.
Tik.
Sa labas ng pintuan ng kwarto niya.
Tik.
Tik.
Tik.
Sa may kisame o bubungan.
Tik.
Tik.
Tik.
Buong gabing nababagabag si Dan sa tunog na naririnig ng asawa niya kaya naisipan nitong umuwi nang maaga. Tinawagan niya si Allie upang sabihin na ito'y uuwi na, pero hindi sinasagot ng asawa ang kanyang telepono. Maaaring tulog na ito, isip niya.
"Allie." tawag ni Dan habang kinakatok ang pinto ng bahay nito.
Walang sumasagot.
Sinusian ni Dan ang pinto at dahan dahang pumasok. Iniiwasang magising ang tila'y nahihimbing na asawa. Tumingin si Dan sa paligid. Parang nung iniwan lang niya. Nasa mesa pa rin ang pinagkainan nilang mag-asawa. Bakit kaya? tanong niya sa sarili.
Tik.
Tik.
Bigla niyang narinig. Ito yung tunog na naririnig ng kanyang asawa.
Tik.
Sinundan ni Dan kung saan nanggagaling ang tunog. Pinikit nito ang kanyang mata, para marinig ng malinaw.
Tik.
Ang tunog ay nagdala sa kanya sa harap ng pintuan ng kwarto nilang mag-asawa.
Tik.
TIK.
Binuksan nito ang pinto. Nagulantang ito sa kanyang nakita. Isang nilalang ang nakaluhod sa harap ng kanyang asawa. Itim. Payat. Di mo alam kung buhok o balahibo ang nakabalot sa kanyang katawan. Mahahaba ang mga kuko nito. At sa kanyang paa ay may isang matalim na kuko ang pumapalo sa sahig at gumagawa ng ingay. Tik. Tik. Tik.
Ang mata ni Dan ay biglang napunta sa ulo ng nilalang. Nanlaki ang mata ng asawa nang makita ang mahabang dila nito na nakapasok sa salawal ng tila walang buhay na asawa.
Binunot ni Dan ang kanyang baril at biglang pinaputukan ang nilalang.
Isang nakakabinging sigaw ang lumabas mula sa nilalang. Agad itong tumayo at lumingon sa pulis. May halos walong talampakan ang nilalang. Malaki at bilog ang naninilaw nitong mga mata. Nagsimulang maglakad ito patungo kay Dan.
Tatlong beses pa niya ito pinaputukan. Isa sa ulo. Isa sa paa. Isa sa puso. Pero parang wala lang sa nilalang. Tumakbo ito at tinulak si Dan sa pader. Sa sobrang lakas ng pagtulak ay nawalan ng malay ang pulis.
Paggising niya, ay may ilang oras na ang nakalipas. Naalala ni Dan agad ang asawa at dagling pumasok muli sa kanilang kwarto.
Ang kama nila'y puno ng dugo. Ang asawa, wala ng buhay. Takot ang nananalaytay sa mukha ng bangkay.
************
So... I've been thinking of making this a full blown book-length story. Tell me your thoughts.