Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa ako, ikaw, at siya

Tapos na ang klase, pero hindi pa ako umuuwi. Hindi pa kumpleto ang araw ko kapag hindi pa dumarating ang ganitong pagkakataon. After all, ang root word naman ng "maghapon" ay "hapon"; kaya para sa akin, matapos ang malalim na gabi, mahabang umaga at mainit na tanghali, nagsisimula pa lang ang essence ng pagpasok ko sa school.

Ikaw rin. Naroon ka rin sa loob ng silid-aralan tulad ko, kahalubilo ng iba pa nating kamag-aral na kung anu-ano ang pinagkakaabalahan. Ikaw ang aking isla sa gitna ng malawak na dagat ng mga usapan at kulitan. Ikaw ang sumasagip sa akin mula sa pagkakatangay ng iba’t-ibang alon ng personalidad sa maliit na mundo ng klase. May apat na taon din akong na-stranded sa iyong mga baybayin.

Siya? Wala siya. Wala na siya. Gugugulin niya ang hapon sa labas.





Ako ang magtatanong. Kukumustahin ko ang buhay mo, na para bang hindi ko namamasdan ang kabuuan nito. Magtatanong ako sa mga nangyari sa araw mo, na para bang hindi mo ako kasama mula alas-singko ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi. Bubusisiin ko ang mga lihim ng pagkatao mo na sa totoo’y hantad naman sa aking paningin.

Ikaw naman, magkukuwento ka. Mga nakakatawang kuwento ng napakasaya mong panlabas na pagkatao. Imomostra mo pa ang mga bastos mong joke, kung saan hindi ako maka-relate (kunwari). Tatawa ka; mali, hahalakhak ang tamang termino. Hahawahan mo ako ng kakulitan at sigla.

Samantalang sumasagap siya ng huling butil ng gintong araw, sumisigaw at nasisigawan sa field.





Kung ako lang, napaka-walang kuwenta ng buhay ko. Boring. Walang mapag-uusapan.

Kaya ikaw pa rin ang magdadala ng usapan. Sa iyo pa rin manggagaling ang majority ng kuwento. Pero bandang huli, mauubusan ka rin ng kuwentong masaya. Dahan-dahan ding mahuhubad ang panlabas mong anyo at lilitaw ang katotohanan. Na hindi ka kasing-saya gaya ng pino-project mo. Nasa likod ng masayang maskara ang balon ng luhang naipon.

Na siya ang dahilan. Alam man niya ito o hindi.





Ako ang una mong sinabihan tungkol sa kanya. Ako ang unang sumalo sa mahalagang mga luha na bihirang pumatak sa isang masayang mukhang katulad ng sa iyo. Alam ko ang pasimula, ang gitna, at pinaghahandaan ko na rin ang posibleng dulo ng kuwento.

Ikaw kasi. Hindi mo magawang lumuha sa harap ng madla, hindi kasi sila sanay dito. Kahit sa tunay mong kapatid, ni hindi mo maipagtapat ang totoo. Kahit ikaw, natatawa ka sa ideya na may crush kang matindi, at siya pa.

Siya rin naman, nababalitang may gusto sa iyo. Pero malabo siya e. Nung una, nagkakaroon pa ng pagkakataon na magkasama kayo, to the delight of the whole class. Pero bigla siyang naglahong parang bula. Parang ngayon. Habang nagsisimula nang bumaha ng luha mo dito sa classroom, umaagos naman ang pawis nya sa quadrangle.





Ako tuloy ang napapagsabihan mo.

Ikaw ang nasasaktan.

Siya naman, hindi natin alam.





Minsan ay inawitan mo ako ng isang awit ni Mandy Moore. Ganoon din yun, kung tama ang pagkakaalala ko. Isang dramarama sa hapon natin iyon, nang inawit mo iyon.

Ikaw ang nagsabi sa akin na makinig. Feel na feel mong kumanta. Sabi mo, ide-dedicate mo sa kin ang "I Wanna Be With You." OST yata ng isang pelikulang gusto mo. Ako naman, kahit hindi ko feel si Mandy Moore, nakinig na lang ako. Ang galing mo kasi talagang kumanta. Parang may pinaghuhugutan, ika nga. Pero wala nang bawian. Sa akin mo inialay ang awitin mo. Kahit pa sa totoo lang, alam kong iba ang nasa isip mo nang kinakanta mo iyon. Iba ang gusto mo sanang kantahan nun.

Siya.





Ako? Masaya na ako sa estado ko. Masaya na ako na ginugugol mo sa akin ang hapon mo. Kahit maikli ang hapon, at agad itong inaagaw ng dilim.

Kasi, sa gabi, ikaw ay magpapaalam na. Sinamahan lang kita sa paghihintay.

Sa gabi, tapos na siya. Magkakasabay kayo pauwi.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...