ngayon lang ako ganap na makakaharap sa computer at minarapat kong magkwento muna ng mga bagay-bagay dito sa blog ko, bago muling umali-aligid sa PEx, at sa blog ng may blog.
hindi pala ako nakadalaw dito kahapon. dangan kase, pagkauwi galing sa kapilya ay sabay kaming dumating ng bayaw ko, galing sya sa pagkuha ng mga flyers na isisingit sa dyaryo para sa araw na ito. kaya, ang siste, nagsimula na kami ni ate na magsort ng mga ito hanggang alas dose lang ng gabi dahil pareho na kaming ngarag.
kahapon (Huwebes), napag-alaman ko sa pamamagitan ng Frontpage (December 10 headline, Part 1), na inanunsyo ng "United Opposition" na si FPJ ang opisyal na kandidato ng partido sa pagka-pangulo. Natawa naman ako sapagkat wala si FPJ sa okasyong iyon. hay naku... ewan ko ba sa pulitika sa atin..
Pero ngayon, isang balita ang bumulaga sa akin na kung saan hindi ko malaman kung anong reaksyon ang dapat kong madama.
Si FPJ ay parang isang tutang mahiyain na pinipilit nang kumahol. Si Senador Tito Sotto ang trainor. Hindi ko pa naipapahayag dito sa blog ko ang komento ko ukol sa kandidatura ni FPJ bagaman, marami na akong naihinga sa PEx, ukol sa bagay na ito. magmamasid muna siguro ako nang ilan pang mga araw...
----------
kahapon pa rin, dumalo ng pagdinig sa korte si bayaw, ukol sa pagkahuli nito noon pang nakalipas na buwan sa kasong overspeeding. bilib din naman ako sa pamahalaan ng Canada. Sobrang higpit kuno pasimple rin naman ang korupsyon dito. Naalala ko tuloy nung araw na maglipat ng bahay ang pinsan ko at nang sumama ako sa pagbuhat ng mga gamit. papunta sa bagong bahay, dalawang Pilipinong dito na lumaki, ingglisan ng ingglisan ang nagkukwentuhan tungkol sa trabaho nila, pangungurakot ng kumpanya at gobyerno dito, at yung mga karanasan nila sa mga bagay na ito. habang papunta kami sa bagong bahay, busog ang tenga ko habang pinapanisan naman ako ng laway. nakikinig lang ako sa kwentuhan nila habang pinag-uusapan nila kung paano sumimple ng panraraket ang mga tao dito. sa isip ko, "akala ko sa Pinas lang may kurakot, dito rin pala." ang kaibahan nga lang, masyadong garapal ang pangungurakot sa Pinas, samantalang dito, takot silang mahayag o ipakita ng tahasan sa mga mamamayan. howell... korupsyon pa rin yun.
----------
kahapon pa rin, habang naghihintay kami sa labas ng kapilya, nakakwentuhan namin ng ate ko si Roma tungkol sa Mississauga News delivery, kung meron bang mga maybahay na nagsusumbong sa nasabing tanggapan. Matagal na kase silang nagdedeliver nito, bago pa man kami nagsimula ng mga kaibigan ko isang buwan na ang nakakalipas. OO daw, meron, sabi ni Roma. Nagulat kami ng ate ko at nabanggit ko pa nga, "Ang kapal naman ng mukha nilang magreklamo eh libre na nga yung dyaryo!" Nagkatawanan lang kami at inulit pa niya, meron daw talagang mga nagrereklamo.
Eto ngayon, pag-uwi namin galing sa pagtupad, may dalang note si bayaw galing sa Mississauga News:
"Important Delivery Message: CARRIER LEAVES THE PAPER BETWEEN STORM DOOR AND LEAVES IT OPEN. PLEASE CLOSE STORM DOOR AFTER PUTTING PAPER THERE OR SECURE PAPER ON PORCH."
Kasama sa notang ito yung address ng bahay ng nagreklamo at yung pangalan ni bayaw (kase siya yung nasa kontrata) at yung petsa ng reklamo.
Pagkabasa nito, inis na inis si bayaw samantalang kami naman ni ate, nagkatawanan na lang.
Saturday, December 13, 2003
story told by
aajao
at
10:09 am
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment