Showing posts with label saudi. Show all posts
Showing posts with label saudi. Show all posts

Friday, August 20

Ramadhan na naman...

Pangalawang ramadhan ko na dito sa gitnang silangan. Una kong lapag noong nakaraan ay kasalukuyan nila itong ipinagdiriwang. Di ko man naumpisahan, ngayong taon ay buo ko itong masasaksihan at mararanasan. Hindi na bago sa akin ang okasyong gaya nito dahil laking Mindanao naman ako (kaya h'wag nyo akong gagalitin, makikita nyo ang bangis na meron ako! Lols).

Pero iba pa rin pala ang pakiramdam, na sa bawat taong nakapaligid sa'yo at nakakasama mo sa trabaho ay ginagawa ito.  Mas lalong nakakapanibago lalo na't ikaw lang ang kristyano, tulad ng sitwasyong meron ako. Kaya wala na akong ginawa kundi ang obserbahan sila, alamin ang kanilang paniniwala at ginagawa.

1.       Ito ang tamang panahon para simulan na ang laging napupurnadang balak magpapayat."No entry" ng kung anu-ano sa bunganga. Bahala na kayong mag-isip kung anong bagay-bagay ang pumapasok sa mga bibig nyo, basta lahat bawal pag nandyan at tirik na tirik si haring araw. Tinanong ko dati sa isang kaklase kung bakit sa takip-silim lang pwede, sagot nya para daw hindi makita ni Allah na sila'y kumakain. Ayos din ang trip ng klasmeyt ko ano? Dahil sa siya'y ini-idolo ko, naniwala namanako sa paliwanag n'ya.

2.       Napapanahon na para makapag-ipon. Bawas kain, bawas gastusin. Oras na para madagdagan ang ipon kong 3,000 Php sa bangko. Tiyak ang Metrobankay magdiwang dahil pero ko'y nadagdagan. Yipee!

3.       Karamihan ng mga empleyado ay masaya dahil nababawasan ang oras na ginugugol sa opisina, kadalasan pang-umaga na lang ang pasok nila. Naka-jackpot kayo kapag nabibilang  ka sa ibang sektor ngmanggagawa - tulad ng sa mall, ospital, restawran atbp. Walang nabawas kundi nabago lang ang oras ng pagpasok mo. Dahil sa ako'y may balat 'ata sa pwet, kabilang ako sa kategoryang ito, PUTIK talagang buhay 'to!

4.       Sagana sa  pagkain. Kapag nababato at walang magawa sa loob ng inyong bahay, lumabas at maghanap ng pinakamalapit na mosque, mall o hotel at i-enjoy ang nakahaing pagkain. Bago umatake ay siguraduhing oras na ng iftar (fast breaking). Kain lang ng kain basta ba walang pumipigil at walang mga matang nanlilisik ang tingin. Pero dapat ka ng huminto sa kakanguya pagsapit ng bukang liwayway o suhoor. Ops, nakalimutan mongmagdala ng pitaka? H'wag mag-alala, libre yan ni Allah.

5.       Maraming"pulubi" ang gumagala. Isa sa kanilang paniniwala at tradisyon ay tulungan ang taong mga nangangailangan. Walang oras kang dapat inaaksaya, bawat minuto aymahalaga para makatulong sa kapwa.

6.       Bawal sa kanila ang magmura! Mortal sin ito sa araw ng pag-aayuno. Kaya napapansin nyong kalmado at tahimik ang data-rati'y galit-sa-mundong-style ng boss mo. TIP: Kung trip mong mapatunayan  hanggang saan ang  level ng kanyang pananahimik at bait-baitan, subukan mo kayang mag-amok nang ito'y iyong malaman?

7.       Inuulit ko, bawal ang magmura. Pero hindi ipinagbabawal ang magmahal!<*beautiful eyes*> Superdupercheezzy! Walang basagan ng trip! inlab ako eh!

8.       Sa mga kristyanong tulad ko, alamin ang ligtas na lugar para makapuslit panandalian para kumain at uminom. Pag-aralan ang tamang pagkain ng mabilisan. In short, maging mahusay sa larangan ng Quickie! PAALA-ALA: Siguraduhing hindi sopas o nilagang  baka ang dalang ulam, kung ayaw mong mangamatis ang iyong dila at lalamunan.

9.       Sa buwan ng ramadhan, matuto kang maging "makasarili". Kung nais mong makinig ng musikang rakrakan, iwasang makabulahaw ng katabi. Gumamit ng earphone lagi! Kung ang trip mo ay ang gumiling-giling sa saliw ng musika ni lady gaga, maghanap ng lugar na ikaw lang ang nakakakita. At kung may opinyon kang kakaiba at out-of –this-world ang tema, mas mainam na h'wag mo na itong ibahagi sa iba. I-sikreto na lang ito sa iyong sarili, baka balang araw ang ideyang yan pa ang dahilan para ikaw ay yayaman.

10.   Magbasa ng banal na Koran kung kinakailangan. Hindi para magpakitang-tao , kundi upang tuklasin ang  maraming katanungan na bumabalot sa iyong isipan. H'wag mahiyang aminin sa sarili na wala kang alam. Mas nakakahiyang gawin ang nagkukunwaring meron kang alam. Isa sa malaking bagay na natutunan ko dito sa disyerto ay ang paggalang sa paniniwala ng iba't-ibang lahi.

Isang patikim lamang ito sa napakayamang kultura dito sadisyerto. Kumbaga, silip lang ito ng ilang bahagi ng kanilang paniniwala.Nawa'y nasiyahan kayo sa pagbabasa.  Hanggang sa susunod muli ng paglalahad ko ng buhay sa Riyadh.

Ramadhan Kareem!

Monday, August 2

Na-MISS ko kayo!

Matagal din akong nawala sa mundo ng blogosperyo. Aminado ako na-miss ko kayo. Sana naman ako’y na-miss niyo rin (sige na, yes ka na! subukan mong makipagplastikan kahit ngayong araw lang). Nakaka-miss ang magsulat ng kung anu-ano, kahit alam mong parang tae lang ang nasusulat mo. Gayunpaman, ang mahalaga ay naibahagi ito sa mga taong nauuto, tulad mo! Hehehe..

Ang mga susunod kong paksa  ay base sa mga karanasan at obserbasyon ko dito sa Riyadh, na iyon naman talaga dapat dahil Buhay Riyadh ang titulo ng blog ko (tanga ko talaga!). Lingid sa inyong kaalaman, mag-iisang taon na ako sa Saudi. Akmang-akma lang para maibahagi ko sa inyo ang mga kakaibang mga kaganapan dito sa disyerto.

 Tipong “TOP 10” ang magiging style ng pagsusulat ko. Ito ang mga bagay-bagay na napuna bunga ng kalikutan/kalokohan/kabastosan/katangahan ng aking kaisipan. Ito ang mga eksenang tumatak na sa aking bumbunan. Hindi ko na patatagalin pa, ito ang una kong nagawa…

  1. Kung tinatamad kang magtrabaho at may kliyenteng nagpapakyut at nagtatanong sa’yo, “Mafi malohm arabi(can’t understand Arabic) lang ang isasagot mo. Malas mo lang kung ang arabo na iyon ay edukado, wala ka ng kawala kundi gamitin ang natitirang ingles na baon.
  2.  Mainam sa balat ang tubig ng Saudi. Dahil sa init nito, siguradong patay ang an-an at buni na ilang dekada ng kumakapit sa katawan ninyo!
  3.  At dahil sa sobrang init ng tubig sa disyerto, kumuha ka lang ng tasa at bumili ng kape sa bakhala (sari-sari store). Voila! May instant coffee ka na, iwas gastos pa sa mamahaling Satrbaks.
  4.  Feeling mayaman ka dito sa Saudi, sapagkat “limousine” ang tawag sa taksing lagi mong sinasakyan.
  5. Kung nais mo naming makatipid at gustong panindigan ang pagiging masa, walang pumipigil sayo at welcome na welcome ka sa bus na iyong masasakyan. Doble ingat lang at baka tetano ang aabutin mo. At tibay ng sikmura ang kailangan para sa sari-saring “putok” na iyong masisinghot.
  6. Usaping limousine pa rin, umupo sa likurang bahagi ng taxi. Lalong-lalo na kapag ang driver ay Pakistani. Wala yata silang pinipili kahit na mukhang sinabugan ng bomba ang iyong pagmumukha. Sa tingin ko, “the uglier, the better” ang kanilang motto. Thanks GOD, I’m soooo gwapito!
  7. Sa mga poging tamad mag-japorms na tulad ko, iwasang magsuot ng shorts kapag nasa pampublikong lugar kayo. Ewan kung anong meron sa cargo shorts ko, o baka ngayon lang sila nakakita ng mala-TROSOng hita na meron ako? Palaisipan pa rin sa akin ang pangyayaring ito.
  8. Ngayon kung gusto n’yo pa ring magshorts, wala na akong magagawa. Basta ba huwag ako ang sisisihin kapag ang mga tao sayo’y nakatingin. Kilatisin muna ng mabuti ang sarili, baka naman talo mo pa ang cover of the month ng FHM sa suot mong shorts na pagkaiksi-iksi! (Nyeta! Bruha ka! Lols)
  9. Huwag makipagtitigan sa kahit sinong tao na makakasalubong mo, at baka pag-initan ka at may balak gawin sa’yong milagro. Pero kung si “Nicole ng Subic” ay iyong ini-idolo, wala na akong masasabi pa kundi GO lang ng GO!
  10. Matuto kang kumain ng shawarna at kapsa (parang tsiken inasal at sari-saring butil ng herbs na inilagay sa kanin). Dahil hindi sa lahat ng oras ay kagustuhan  mo ang nasusunod. Paminsan-minsan ay dapat ka ring makisama at makihalo-bilo, para mas makilala at maintindihan ng husto ang kulturang matagal na nilang nirerespeto.

Ilan lang ito sa eksenang aking napuna. Mga pangaraw-araw na bahagi na ng kanilang buhay. Nakakapanibago, nakakatawa, at minsan ay parang lokohan lang. Pero minsan ay nangyari ito sa buhay ng mga ordinaryong pinoy OFW.

Wednesday, January 20

Hithit-buga



Cigar, yosi, tabako, sigarilyo… 'yan ang tawag sa bagay na hinihithit at usok ang ibinubuga. Isang paglilinaw lang mga ka-tropa ito lang ang alam kung bagay na hinihithit at usok ang dinidighay at wala ng iba, peksman… mamatay ka man! Sa Ingles, Cross my heart and hope you'll die. (Malala na sakit ko sa kakornihan, pati ako'y nasusuka na.)

Dito sa Saudi, ito ang lagi mong napapansing eksena. Hithit doon, buga rito. Palibhasa'y bawal ang alak dito sa disyerto, kung meron man hindi brewer's yeast ang pinagmulan, kundi malt ang source ng inumin. Kung ikaw ay lasingerong tulad ko, tiyak maninibago ka, pero swak na rin sa panlasa. Mabuti na ang meron kesa sa wala, kaya pinag-aralan kong makuntento habang maaga pa. Problema nga lang hindi ka malalasing. Kung tatamaan ka man, sigurado akong hindi 'yun sa alak nangggaling. Dahil lasing ka sa nagasto mong inumin.

Sari-saring brands ng yosi ang makikita mo. Syempre di mawawala ang nakasanayan nating si Pareng Marlboro at Phillip Morris. Katabi nito sina Ginoong Davidoff at Dunhill. Iilan lang 'to sa mga brands ng sigarilyong bubungad sa'yo. Dati-rati'y si Pareng Marlboro ang aking kapiling subalit ngayon nag-iba ang ihip ng hangin. Opo, nakakapag-yosi ako rito mahal kong Inay. Huwag ako ang pagagalitan… Ibuntong mo ang galit sa Saudi, at subukang mag-rally sa harap ng embassy na gawing legal ang alak dito sa Saudi. J

Isang araw nagkataong wala si Pareng Marlboro, kaya si Ginoong Davidoff ang aking sinubukan. Ayos ang feeling sa lalamunan, "ultra light" nga ang iyong mararanasan. Matapang kasi at tila lagi akong uhaw pag si pula ang aking natitikman. Dito ko napatunayan na sa yosi 'andaming matitigas ang ulong kagaya ko. Tila walang epekto ang "Government / Health Warning", at lalong di napapansin ang iba't-ibang naidudulot na sakit at sa mga nakakadiring larawang nakadikit. Hindi ko naman ito sinasawalang bahala, alam kung ito ay masama kaya nga moderate lang ang aking paghihithit-buga.

•ŠLŸ•

Saturday, January 9

Ultimate Libangan


Talagang nakakabagot ang buhay OFW, lalong-lalo na kung ika'y napadpad sa lugar gaya ng Riyadh. Unang linggo ko rito'y tila isang buwan diyan sa Pinas. Pakiramdam ko'y kaybagal ng takbo ng oras. Bagong salta, kaya walang mga kakilala. Nangangapa sa dilim, 'di alam kung ano ang gagawin. Inaasahan ko nang mangyayaring ang ganito, pero hindi ko inaakala ang tindi ng lungkot na bumabalot dito.

Kung ikaw ay isang taong sanay sa lakwatsa at gimik, iwas ka na lang sa lugar na ito. Dahil sigurado akong madidismaya ka rin kagaya ko. 'Di naman talaga ako certified gimikero. Bookstore, internet at sinehan lang naman ang bisyo ko. Kapag meron ang tatlong ito, siguradong abot hanggang tenga ang ngiting nakapinta sa mukha ko. Pero rito, hindi todo ngiti ang nararansan ko sapagkat bawal ang sinehan sa bansang ito.

Bookstore? Nakakadismaya ba at hilig kong tumambay sa madaming libro? Batid kong wala sa itsura ko ang pagiging matalino, pero kahit papano nakakaintindi naman ng likha ng mga inglesero. Naging bisyo ko ang ganito simula nang may nagregalo sa akin ng librong ABNKKBSNPLAko! ni Bob Ong. At mas lumala pa nang mabasa ko ang mga obra nina Dan Brown, David Baldacci at Vince Flynn! Alam kong puro mga banyaga ang mga ito, ngunit may mga talentong pinoy din naman akong sinusubaybayan. Lingid kay Bob Ong, nasa listahan ko rin sina Eros Atalia, Jessica Zafra, Gary Lising at Pol Medina, Jr. ng Pugad Baboy®. Kung isa sa kanila hindi nyo nakikilala, bilisan ang kilos at i-google nyo na!

Internet ang ultimate pastime ko tuwing walang ginagawa. Kadalasan abala sa pagtatanim ng mga gulay at pamimitas ng mga bunga sa FarmVille. Sunod kong pinapakain ang mga isda at nililinisan ang tangke sa FishVille. Nauubos ang oras sa pagdalaw ng mga kaibigan sa YoVille. Sa ngayon, kasalukuyan kong nililigpit ang nabubulok kong tinda sa Café World, at inaayos ang makalat na bahay ni Kolokoy sa PetVille. Iyan ang buhay ng adik sa Facebook! Bukas susubukan ko ang Plants Vs. Zombies ng Yahoo Games para maiba naman. Ikaw anong level ka na ba? Pa-add naman as neighbor oh, please?



photo: http://bellurramki18.wordpress.com/

_sly_

Monday, November 9

…miss na kita

Mahigit dalawang buwan din nang tayo'y huling nagkita at nagkasama. Dalawang buwan na walang imikan at kibuan. Dalawang buwang tinitiis ang pagkawalay sa isa't-isa. Pilit kinakalimutan ang bawat araw na wala ka sa piling ko at sa bawat gabing wala ka sa tabi ko. Lagi kang laman ng isip ko, lalung-lalo na sa tuwing ako'y nalulungkot, walang makasama at nababagot sa buhay-OFW.

Ilang beses na kitang sinubukang palitan, nagbabakasakaling maibsan man lang itong aking nararamdaman. Subalit iba pa rin ang pakiramdam na dulot kung ikaw ang aking katuwang. Abot langit ang hatid, at walang katumbas na saya ang iyong naipapadama.


Minsan sa ating buhay, darating ang panahon na kailangan nating magsakripisyo't magtiis. At mag-isip kung karapat-dapat ka nga ba sa piling ko habambuhay o kailangan ko ring maghanap-buhay. Ewan at anong gayuma ang ginamit mo at baliw na baliw ako sa'yo. Laging hanap ang swabeng sipa na dulot mo. Miss na kita, O RED HORSE ko!


Friday, October 30

Init sa Middle East…

Pangalawang labas ko ng 'Pinas at una kong byahe sa gitnang silangan, kaya maraming sumasagi sa isip ko kung anong klase buhay meron sa disyerto. Kung ito'y naging tubig pa, dahan-dahan akong nilulubog sa sobrang lalim nito. 'Di ko lubos maisip kung gaano kainit ang sinasabi nilang init sa Kaharian ng Saudi Arabia. At totoo bang hirap sa tubig ang bansa? Kaya ganun na lang ang haka-hakang iba ang amoy kung ito'y ikukumpara sa tulad kong pinoy?

Connecting flight ang byahe ng Cathay Pacific patungong Saudi. Una kung lapag ay Hong kong, sumunod sa Bahrain at sa wakas Saudi na! Kung susumahin lahat, halos buong araw akong naglakbay. Buti na lang at pinoy ang katabi ko sa upuan at natipid ang katago-tago kong baon sa Inglesan. Palibhasa, isang balde lang ang dala kong bokabularyo kung nagkataon di ko alam kung san ako kukuha para punan ito. Ewan, at bakit pilipit ang dila ko sa salitang banyaga. Minsan tuloy naisip kung dapat bang ibuntong ang sisi sa mga magulang sa 'di pagsanay sa kanilang anak na maging tunog banyaga? Subalit nangingibabaw pa rin ang aking pagka-Rizal, ayaw kong maging mabantot tulad ng isda – kaya mahalin ang sariling wika. Lusot!

Unang hakbang palang sa paliparan ng KSA, 'dami ng napapansin. Pinanganak lang ba talaga akong mausisa, o pinaganda ko lang ang mga salita sa taong mahilig mamuna? Pero todo iwas ako sa pagpuna, kung meron man sinasarili ko na lang ito at baka pag-uwi ko kalahati na lang ako. Payag ako basta ba pahaba ang hati, at least makikilala pa rin ako.. Yun nga lang side view ang angle for identification. Kaya sa future pictures ko, asahan nyong puro side view na ang mga kuha ko. Naku, change topic tayo, ayoko ng paksang ganito :-X

Paglabas ko ng paliparan dito ko napatunayang walang kasing init ang mararamdaman mo rito, tagos hanggang boto ang sasalubong sa'yo. Dito ko naranasang kahit madaling-araw ay parang tanghali sa atin. Sumagi tuloy sa isip ko na sinasanay ko lang ba ang magiging buhay ko sa piling ni Ginoong Bwahaha? Puna ko lang, bakit nga ba pag mala-demonyo o villain ang papel na ginagampanan ng isang aktor sa isang pelikula'y "BWAHAHA" ang dapat na halakhak nito? Pati sa komiks ay ganun din. 'Di ba pwedeng "HARHARHAR" na lang? O ibang tawa naman for a change? Matanong nga kina Bb. Joyce Bernal, Direk Wenn Deramas at Bobot Mortiz.

Pero ubod ako ng saya at 'di totong taghirap ng tubig dito, sa katunayan tatlong beses sa isang araw pa rin ako nakakaligo. 'Yun nga lang, isalin mo na sa malaking batya para ito'y lumamig sa susunod na ligo. At kung likas na tamad ka gaya ko, at may galis sa balat (na tulad n'yo, lambing lang!) pwedeng diretso shower na at nang malagas pati balat mo. Kaya mali ang haka-hakang iba ang amoy nila sa atin. Ibang lahi, maaari pa, pero pag-Arabo hindi naman.