Showing posts with label bagong taon. Show all posts
Showing posts with label bagong taon. Show all posts

Sunday, February 14

Chinese Horoscope

Kung Hei Huat Chai! Ito raw ang tamang pagbati for Chinese New Year sa ating kababayang tsinoy at hindi 'yong nakasanayan nating Kung Hei Fat Choi (na ang literal na ibig sabihin pala ay "congratulation and be prosperous!" at hindi "happy new year" na inaakala ko). Karamihan sa mga tsinoy ay nanggaling pa sa probinsya ng Fujian na kung saan ay Hokkein ang lengguaheng ginagamit. 'Wag ng kumontra, sabi 'yan ng kaibigan kong intsik kaya YES ka na lang. Okey?
Ngayong taon ay Year of the Metal Tiger, Rooooaaaarrrr! Ito ang pangatlong sign sa chinese horoscope na binagbibidahan din ng onse pang mga nilalang (rat, ox, rabbit, dragon, snake, horse, sheep, monkey, roaster, dog at boar). Nagtataka ba kayo kung bakit sila lang ang bida sa mga chinese? At hinahanap kung bakit wala ang paborito nyong hayop? Narito na ang mga kasagutan sa inyong katanungan.

 
Tsismis #1
Ayon sa alamat, pinatawag ni Lord Buddha ang tropa ng mga kahayopan para makipagbeso-beso sa kanya bago pumanaw dito sa mundong ibabaw. Sa kasamaang palad dose lang ang sumipot sa kanyang panawagan dahil hang-over pa raw at talagang pinaninindigan ang pagiging party animals. Kaya bago natsugi si Lord Buddha, ipinangalan sa kanila ang zodiac signs batay sa pagkakasunod ng kanilang pagdating.

 
Tsismis #2
Ayon uli sa alamat, nagpatawag (na naman) ng meeting itong si Mr. Buddha para pangalanan na ang doseng mga hayop para magsilbing inspirasyon sa bawat taon na daraan. Excited si PusiKat sa meeting na magaganap, dahil dyan ay kinuntsabo si Pareng Daga para gisingin sya nang sa gayon ay sabay silang a-attend. Pero ito palang si Daga ay may masamang binabalak at siya'y nagsolo para manalo. Ito ang rason kung bakit wala sa listahan si PusiKat at ito rin ang dahilan ng kanilang bangayan at habulan hanggang sa ngayon.

 
Tsismis #3
Ayon uli sa alamat (ang KULIT!!!!), isang araw nag-rally ang mga kahayopan sa harap ng palasyo ng kanilang Hari para bigyang linaw kung sino ang nilalang para maging pinuno o gawing kauna-unahang zodiac sign. Para maiwasan ang rambolan sa kanyang kaharian, gumawa ng patimpalak itong si Hari. Kung sino ang maunang makakatawid sa ilog ay siya ang tatanghaling 1st zodiac sign. Dahil sa may pagkasakim itong si Daga (basta mga daga, peste talaga!), nakaisip siya ng magandang strategy para makatawid ng walang kahirap-hirap. At ito ay ang pagsampa sa likuran ni Mr. OX, kaya bago makarating sa finish line ang baka, ay siya namang biglang lundag ni Daga. Ang resulta… si Daga uli ang bida, si Baka ang pangalawa at kulelat lagi si Piggy.

Ngayong alam nyo na ang istoryang bumabalot sa Chinese horoscope, sana ay matatahimik na kayo at makakatulog ng maayos gaya ko. Hapi PUSO at Hapi New Year kabayan!

Saturday, January 2

Uso ang BILOG!


Pagbirthday, may cake dapat na nakahain. Kung binyag ang pag-uusapa'y may litsong inaabangan, lalong-lalo na kapag fiesta sa mga probinsya o lalawigan. Sa panahon naman ng pasko, hindi nawawala ang mga paborito kong hamon at keso de bola. At pagbagong taon, laging nasa hapag-kainan ang mga pagkain at mga prutas na hugis bilog!

Lahat dapat ay bilog! Hindi lamang sa tsibog, kundi pati na rin sa mga damit na susuotin ay prerequisite na may bilog din! Paano na lang kung katulad ko na mukhang bilogin? kailangan pa bang sundin ang ganitong pamahiin?

Isa si ermat sa mga panatikong naniniwala sa mga ganitong pamahiin. Nakikinita ko na kung ano ang itsura ng bahay namin ngayon kahit na wala ako doon. Karamihan ng makikita mo ay hugis bilog. Kasi nga raw swerte ang bilog sa pagpasok ng bagong taon. Pera raw kasi ang ibig sabihin ng bilog. Kapag maraming bilog, maraming salapi! Kaya ganito na lang kaseryoso ang pinakamamahal kong Nanay. Nagbabakasakali pa ring balang-araw siya'y yayaman.

Bakit ba bilog lang ang pwede? Bakit hindi na lang parihaba? Isip ko kasi kung bilog, barya-barya lang ang aabutin. Samantalang kapag parihaba, siguradong libo-libo ang nanamnamin. Dahil bills na ang pinag-uusapan, hindi na coins. Big time!

Isa lamang ito sa mga tatak Pinoy nating pamahiin. Samo't-saring ginagawa at sari-saring paniniwala sa taon-taon nating paggugunita. Pero dapat nating tandaan at hindi dapat kalimutan na magpasalamat sa magandang taon na nagdaan at sa panibago na namang taon na haharapin. Manigong bagong taon!

_sLy_

Tuesday, December 29

Bagong taon, Bagong buhay


Literal ang kahulugan ng bagong buhay para sa akin ngayong paparating ang taong 2010. Siguro nga pinariringgan ko ang aking sarili noong isinulat ko ang paksang "Birthmark sa Wetpu" sa blog ding ito. Lahat na ata ng klase ng pagbubusisi nagawa ko na, pero kahit anong klase pa ng paghahanap ang gawin ko, wala talaga akong nakikitang balat sa aking pwetan para mapatunayan na talagang malas nga ako!

Pansin ko kasi mukhang lapitin ako sa disgrasya. May tinatawag tayong accident prone area, accident prone din ba ang pwedeng ibansag sa'kin? Pangatlong pagkakataon ko ng maka-engkwentro ng vehicular accident. Tama ang pagkakabasa nyo, hindi lang isa..hindi rin dalawa..kundi pangatlong beses na! Kung mala-pusa pa ang buhay ko, may natitira pa akong anim. Anim na buhay para sa susunod na anim na taon? Hindi ko alam ang saktong sagot d'yan… Ang saklap! Parang tinataningan na ang sarili.

Hindi ko na ito ipinaalam kay ermat, sigurado akong hihimatayin 'yun sa nerbiyos lalo pa't nasa ibayong bansa ako. Pero sigurado akong alam ito ni erpat kasi lagi lang siyang nasa tabi-tabi para inspeksyonin ako. Kaya request ko lang Itay, wag nang magparamdam para sabihin pa ito kay Inay (Miss you po, mwah!). Hindi rin naman ako napuruhan kaya minabuti kong i-sekreto na lang. Kaya mga katropa, atin-atin lang ito ha?

Sa tatlong aksidenteng ito, lahat 'di ako ang nagmamaneho. Dahil kapag ako ang may control sa auto, todo ingat lagi ang nasa utak ko. kahit malasing pa ng husto, walang galos ang sasakyan pag-uwi ko. Proven na 'yan, hindi kasi ako kaskasero. Ewan ko ba kasi sa driver naming Egyptian, kala mo nauubusan ng oras kung nagmamaneho. Sarap upakan at tadyakan nang matauhan!

Buti nga buhay pa ako, salamat ng marami Bro at buo pa rin ang aking pagkatao. Hindi mo ako pinabayaan nung kailangan ko ang tulong mo. Kaya sa pagsalubong nitong bagong taon, panibagong buhay ang bigay ng ating butihing Maykapal. J

•ŠLŸ•