Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

tungkol kay Sis

Sa pagkakaalala ko, kung kailan hindi na kami nagkakasama, saka pa kami nagkaroon ng pantanging tawagan. Sa Caramoan. Larawan mula rito .

tungkol sa pizza delivery para sa tamad na maysakit

Ubos na ang pizza bago ko ito maisipang kunan ng larawan. Karton na lang ang natira. Ngayon ay spicy chicken wings naman ang babanatan ko.

tungkol sa pagbomba sa Dresden

Miyerkules ngayon, at kailangan kong dumalo sa aming pagpupulong. Hindi ako nagmamadali dahil ang Tram 13 patungo sa aking destinasyon ay humihinto sa tapat mismo ng aming gusali. Pero para maiba naman, binalak kong pumunta muna sa city center  bago tumungo sa pulong ngayong araw na ito. Sa halip na alas-sais, alas-singko ng hapon ako umalis. Mabuti na lamang at gayon ang ipinasya ko. Kuha mula sa labas ng bintana. Ang gusali sa tapat ay ang St.-Benno-Gymnasium. Dito humihinto ang Tram 13.

tungkol sa visa

May kakaibang ihip ang malamig na hangin sa labas at ang hangin sa loob ng kukote ko. Matapos ang ilang araw nang hindi pagkakatulog, heto at hindi ako nagising sa alarm dahil sa malalim na pananaginip. Masasayang panaginip tungkol sa mga pang-araw-araw na gawain sa Pilipinas, gaya ng pag-aabang ng taxi o paglalakad-lakad sa Sunken Garden. Kaya hindi ko pa matiyak noong una kung gising na nga ba talaga ako habang binabasa ang text ni misis: "Mahal, dumating na ang passport ko! May visa na ako!"

tungkol sa pagmamadali

Kapag nagmamadali ako, saka naman parang laging may aberya. Noong nakatira pa ako sa Antipolo at kailangan kong habulin ang alas-siyeteng klase ko sa UP Diliman, hindi talaga pumalya. Laging may mali kung kelan naman ako nagmamadali! Nariyang may maiwan: ang cellphone, ang wallet, ang libro. Kung kelan ka nagmamadali, saka naman walang dyip; kung kelan ka naghahabol, saka naman pagkabagal-bagal ng sasakyan. At kapag huli ka na, para bang ang haba ng pila ng sasakyan at ang tagal ng trapik.

tungkol sa niyebe

Bakit kaya puti ang kulay ng niyebe? Pagsapit pa lang ng taglagas, unti-unti nang nawawalan ng kulay ang paligid habang isinasaboy ng mga halaman ang kanilang mga dahon sa paligid. Totoo, hindi naman ito biglaan; mula sa berde ay nagiging makintab na kahel muna ang mga puno, animo'y taong nagpakulay ng buhok. Pero ang kahel ay nauuwi sa tigang na kulay-kape, hindi na sa itaas kundi sa ibaba, habang ang mga dahon ay isa-isa nang nalalaglag sa lupa. Hanggang sa pagsapit ng taglamig, kalbo na ang halos lahat ng puno; waring lubusan nang naubos ang lahat ng kulay sa paligid. Ang natitira na lang na piraso ng berde ay ang mga damuhan at ilang maliliit na halaman. Na tatakpan naman ng makapal na puting niyebe.

tungkol sa malakas na hangin ngayong gabing nag-iisa

Maliwanag na ang mga tala nang ipasiya kong lumabas sa lungga. Ngayong bakasyon, ang mga tao sa aming gusali ay nagsiuwian sa kani-kanilang mga kamag-anak. Nababalot ng katahimikan ang paligid, anupat naririnig kong waring umaalingawngaw ang mahihina kong yabag sa mga pasilyo. Ang kumukurap na mga ilaw at ang tunog ng dahan-dahang nagsasarang pinto ay nagpapaalala ng mga tagpo sa mga pelikulang katatakutan.