Minsan ko nang inihambing ang marahang pagdaloy ng mga ilog sa mabagal na pag-usad ng buhay. Pero paano naman kapag, sa pana-panahon, lumaki ang tubig nito at pasimulang apawan ang mga pampang? Sa nakaraang mga araw, maraming mga bayan at lunsod sa Gitnang Europa ang nalubog sa baha dahil sa walang-tigil na mga ulan nitong nagdaan. Umapaw ang mga ilog Danube, Elbe, Rhine, at iba pang maliliit na daluyan. Napanood ko pa sa telebisyon na ang Prague ay nasa state of calamity na. Dito sa Dresden (na kung saan tutuloy ang mga tubig na nagmula sa Prague, sa pamamagitan ng Elbe), naglagay na ng mga sandbags sa tabi ng ilog, pero patuloy pa rin sa paghahanda ang lahat para sa posibleng mabilis na pagtaas pa ng tubig. Ang Elbe sa normal na antas ng tubig nito. Ngayon, ang mga damuhan sa gilid ay lubog na sa tubig.