May mga salita rin namang maaaring gamitin bilang katumbas ng salitang-ugat na uwi o ng pangngalang nagmula dito, pag-uwi . Ang una kong naisip ay balik , pagbalik . Ang mungkahi ng Google Translate ay buwelta , pagbuwelta , na hiram mula sa Kastila. Isang malayong kahambing ang sauli , pagsasauli , na mula naman sa salitang ugat na uli na, kapansin-pansin, maaring hango rin sa (o pinaghanguan din ng) uwi (sa katunayan, sa pagkakaalam ko, sa mga wika sa Visayas, ang uli ang katumbas ng Tagalog na uwi ). Pero mas makahulugan pa rin ang salitang uwi kaysa sa lahat ng mga katumbas nito -- mas makikita ito kapag sinubukan natin itong isalin. Habang ang lahat ng iba pang salita ay pwedeng maging katumbas ng salitang Ingles na return (o turn , o (turn/go) back ), ang nabanggit na tatlong-titik na salitang Filipino lamang ang maaaring itumbas sa return home . Hindi na natin kailangang banggitin ang mas mahabang bumalik sa tahanan o bumuwelta pabalik sa tahanan...