Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2012

tungkol sa mga himig ng gabi

Sa labas, pagdungaw sa bintana, makikita ang mga riles ng tram. Ang Tram 13 ay isang Gute Nacht Linie, kaya inaasahan ko na ang maingay na pagdaan ng tren tuwing makaisa o dalawang oras kahit pa sa kalaliman ng hatinggabi. Malapad at maluwang ang sidewalk, at kahit sa madaling araw ay maririnig ang mga rayos ng bisikleta, mga taong nag-uusap. Saan kaya sila nanggaling? Baka sa mga restaurant sa Großer Garten, na dalawang bloke sa timog. O baka naman nanood sila ng sine sa pampang ng Elbe, dalawang bloke sa hilaga. Samantala, sa loob, ang tanging tunog ay ang pag-aalburoto ng refrigerator sa pagpapalamig sa mga laman nito. Binuksan ko ang bentilador, na nakadagdag din sa kakulangan ng tunog. Pinatugtog ko ang mga mp3 ng Beatles para magdagdag ng kaunting ingay, pero dahil tulog na siguro ang mga kapitbahay, kailangang panatilihing mahina pa rin ito. Nakabibingi nga pala talaga ang katahimikan. Kaya habang hinihintay ko ang huni ng magsasalubong na mga tram, ipinikit ko ang mga m...

tungkol sa pagpaplantsa

May panahong ako ang pinakamahusay magplantsa sa bahay. Kahit si Mama ay umaamin dito; hanggang ngayon, mas mabusisi siya kapag nagpaplantsa ng mga damit ko, dahil baka raw may masabi ako. ***** Halinhinan kami noon ng bunso kong kapatid sa paglalaba at pagpaplantsa tuwing Sabado, dahil nasa kolehiyo na ang mga ate namin. Pero sa dalawang ito, mas gusto kong magplantsa, kahit pa noong dumating ang aming washing machine sa bandang huli. Hindi ko gusto ang pagkabasa ng damit, at nakakapagod para sa akin ang pagkusot at pagsasampay. Samantala, may kung anong kasiyahan akong natatamo sa pagwiwisik ng tubig sa nakalatag na damit, paghagod dito ng plantsa, at paghanger sa unat na unat na finished product.

tungkol sa Frankfurt

Lahat ng kuha ko ay sa loob lang ng taxi. Iyon na ang opisyal na paglilibot ko sa downtown.  Bukod sa kawalan ng panahon, hindi ako nakapaglibot dahil nalula ako sa Frankfurt.  Sa katunayan, ikaapat beses ko na ito na tumapak sa Frankfurt. Ang Frankfurt ang entry at exit point ko sa paglapag sa Europa mula sa Asya. Bukod sa natural na kaba na dulot ng mahigpit na immigration, tumatak sa isip ko ang eksena ng skyline ng Frankfurt mula sa eroplano. Puno ito ng mga higanteng gusali hanggang sa abot ng tanaw. Malayung-malayo sa halos deretsong horizon ng iniwan kong Pilipinas, o sa mga toreng Baroque ng akin ngayong tahanang Dresden.

tungkol sa pagbisita ng kapatid at bayaw

Binisita ako ng Diche ko (ang "diche" ay isang kataga ng paggalang sa ikalawang pinakamatandang kapatid na babae, pagkatapos ng "ate") at ng asawa niya nitong nakaraang linggo. Inabutan nila ang isang maluwang, walang lamang bahay at ang nag-iisa, walang muwang nilang kapatid. Dalawang buwan na ako sa Dresden pero mabibilang pa rin sa daliri ang mga lugar na napuntahan ko, at napakarami ko pang tanong tungkol sa kalakaran ng buhay. Siguro inuunti-unti ko lang ang pagdiskubre sa mga bagay na ito dahil sa maraming oras at kakaunting salitang Aleman na alam ko.