Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2011

tungkol sa mga bagay na pinanghahawakan

nilalakad ko ang titulo ng lupa na nabili ko, at kung saan-saan na ako ipinadpad nito sa Makati. sadyang napakalaki nga siguro ng kawanihan, kung kaya't kinailangan kong magpalipat-lipat sa iba't ibang gusali. isa pang bagay na napansin ko ay ang karagdagang pag-iingat na ginagawa nila sa pagsasaliksik may kinalaman sa mga dokumento. ang inaakala kong isang maliit na papel na pipirmahan lamang ng isang ginoo o binibini ay sa katunayan isang kalahati o buong oras na paghihintay. wari bang bawat linya ay hinihimay, sinusuri. kung sabagay, hindi naman sila masisisi. ang titulo ay siyang magpapatunay ng pag-aari ng isang sukat ng mundo. *****

tungkol sa tahimik na mga Sabado ng pagtambay sa walang taong coffee shop

hindi makapagpasiya ang ulan kung babagsak o hindi. hindi tulad namin ni Steph. nakailang kilometro na yata ang nilakbay ng tricycle para lang marating ang aming destinasyon. isang kapihan sa kaloob-looban ng isang village sa Las Pinas. na para bang walang coffee shop sa Cubao, o sa Megamall, o sa Mall of Asia. nang makarating na kami, malugod kaming sinalubong ng mga tauhan na sabik sa pagdating ng mga parokyano. kami lang pala ang tao. at doon, kasabay ng paghigop ng mainit na kape, Internet, pagbutingting sa iPod ni Steph, at walang katapusang pagkuha ng mga larawan sa Photo Booth, pinagsaluhan namin ang isang tahimik na Sabado na malayo sa sibilisasyon, pinapangarap na marami pa sanang gayong mga Sabado ang dumating. ika-57 buwan namin. nakakasabik ang bawat buwan na kami. :)

tungkol sa mga sabadong walang trabaho

alas-dose na yata ako nagising. pero hindi pa ako bumangon. may kung anong napakalakas na pang-akit na magnetismo kapuwa ng kama sa likod ko at ng mata ko sa kaniyang talukap. hindi ako makabangon at hindi ako makadilat. nang sa wakas ay makayanan ko nang iangat ang katawan mula sa pagkakalugmok, inabutan kong bukas ang TV sa isang eksena sa Eat Bulaga. umulit-ulit sa tuloy sa ulo ko ang sikat na pantapos na linya ng Spoliarium ng Eraserheads: umiyak ang umaga...ano'ng sinulat ni Enteng at Joey d'yan...sa pintong salamin... kumain at nagbukas ng computer, pero sa pag-idlip, este, mahimbing na tulog muli ang bagsak. o kung ang bawat araw lamang sana ay isang Sabadong walang pasok...

tungkol sa bagong faculty room

ito ay isang kapana-panabik na panahon para sa NIP: unti-unti nang natatapos ang buong bulwagan, at naging posible na ang maraming bagay na hindi naranasan ng mga nauna sa amin. kabilang na rito ang pagkakaroon ng sariling faculty room.

tungkol sa pagsasaayos ng mga email

ang inbox ko noon ay isang magulo, maingay na palengke -- mahahanap mo ang lahat ng kailangan mo sa iisang lugar. mga mensaheng bago, bagu-bago, luma, bulok, patapon. masaya na noon ang mga dumarating kong mensahe na mabasa ko sila; marami ang hindi man lamang naranasan ang ganitong pribilehiyo. mapagpasalamat silang lahat dahil hindi ako nagbubura. nang tumuntong ng libu-libo ang mensahe sa inbox ko, napag-isip-isip ko na kailangan ko nang mag-sort. nagsimula ako sa paggawa ng mga filter (at pagbabago sa mga lumang filter). pagkatapos ay ang madugong proseso ng isa-isang pagpili sa mga mensahe; pag-check; at paglilipat sa mga folders na dapat nilang kalagyan. mabuti na lamang at karamihan sa mga mensaheng natatanggap ko ay mula sa NIP, kaya sa isang pasada ay dose-dosenang mensahe agad ang naa-archive ko. pero kahit na paulit-ulit, nakakapagod pa rin ang maglipat ng libu-libo. kung minsan ay mapapahinto sa pailan-ilang mga mensahe na mula sa mga kaibigan at mahal sa buhay. mga m...

tungkol sa pagkakaibigan

aminin na natin: hindi ka laging pwedeng maging nariyan para sa lahat ng iyong kaibigan. nariyan ang pisikal na distansiya. lagi at laging magsasanga ang daan para sa lahat ng tao, gaano pa man magkalapit at magkatali ang kanilang mga buhay. may aalis at maiiwan. o baka naman parehong maglalakbay. gustuhin man natin, wala tayong magagawa minsan kapag ang pagkakataon na ang naglayo sa atin mula sa isang taong mahalaga sa atin. isang bagay rin ang panahon. ang nagbabagong mga kalagayan ay humihiling ng pagbabago sa paggamit ng panahon. may kailangang unahin; may kailangang isaisantabi. madalas, ang ilang mga kaibigan ang kailangang "magbayad" para sa panahong kailangang ilaan para sa ilang mas mahalagang bagay. alam man nila ito o hindi. gayon din, kailangang isaalang-alang ang takbo ng mga pangyayari. bilang mga tao, lumalago ang ating pagkatao at lumalawak ang ating mundo. sa paglawak na ito ay baka may maiwanan tayo mula sa ating dating buhay. pero hindi naman mauub...

tungkol sa bagoong

uso na naman ang mangga. hindi, hindi yung hinog (pero, oo, masarap din ito). ang tinutukoy ko ay yung manggang hilaw. indian. namimintog. yung tipong makintab pa ang berdeng balat dahil sa dagta. mga ilang linggo na sa bahay ang basket ng hilaw na mangga. naghalo na ang mga nanggaling sa palengke at ang mga ibinigay ng kapitbahay mula sa kanilang puno. nahinog na nga ang iba. kaya naman naisipan kong pumapak ng isa (sana) kahapon. natakam ako, hindi sa mangga, kundi sa bagoong na alamang na nasa garapong katabi ng basket. ang nagsimula sa pagtikim sa isang ga-kurot na bagoong ay natapos sa paglapang sa isang mangga, dalawa, tatlo...hindi ko na nabilang. nakilantak na rin kasi ang kapatid ko, at ipinagbalat na kami ni mama. hindi mo pa tapos ang isang hiwa mo na pinaibabawan ng isang sentimetrong kapal na bagoong, naglalaway ka na para sa kasunod. may problema nga lang. ang bagoong ay gawa sa alamang. ang alamang ay hipon. at allergic ako sa hipon. iniiwasan ko...

tungkol sa aking bakasyon

malaki ang bilog na buwan sa gabi, at maliwanag ang asul na langit sa umaga. maririnig ang malakas na tahol ng aso ng kapitbahay. maingay ang mga ibon. mapaglaro ang hangin; iniuugoy nito ang matataas na mga damo na nagpapalipad naman ng mapuputing mala-bulak na buto. lumalangitngit ang matatandang kawayan sa likod. mula sa malayo ay bahagya na lamang kung mahiwatigan ang pag-aalburoto ng galit na mga makina ng mga jeep na pinipilit bunuin ang matarik na mga daan. kung minsan ay may mahihinang bulong na mauulinigan mula sa katabing mga bahay. maliban sa mga ito, wala na yatang ibang bakas ng aktibidad ng tao na mamamalayan. ito ng eksena mula sa aking bintana. ito ang aking bakasyon. kapag ang bawat araw ay isang pagmamasid sa alun-alon ng mga kabundukan ng Sierra Madre, kahit ang paggising ay wari bang isa pa ring panaginip. kapag ang lilim ay mula sa akasya o ipil at hindi mula sa mga gusali, ang trabaho ay gaya na rin ng pahinga. kung kailangan pa ng iba na huminto sa...

tungkol sa graduation party ng Instru

pumupunta ang mga tao sa graduation party ng Instrumentation Physics Laboratory dahil sa maraming dahilan. nariyan ang BS3 na excited pang makiparty pero late dahil sa dami ng exams. nariyan ang mga BS4 na siyang punong abala ng pagdiriwang. nariyan ang iba pang nakatatandang estudyante, beterano na sa ganitong ritwal at pupunta para sulitin ang mahal na bayad. at, siyempre pa, ang staff. pero, higit sa lahat, ang grad party ay para sa mga magsisipagtapos. doon sa mga taong, kakatwa mang isipin, maaaring hindi na makasama pa sa susunod na grad party. pumunta ako sa grad party ngayong taon bilang isa sa mga huling tinuran: ikatlong beses na ito ng aking pagdalo bilang graduating. at maaring di na makasama pa sa susunod.

tungkol sa isang dekada sa UP naming mahal

sampung taon na ang nakakaraan, wala pa ang Katipunan Station in LRT2; isa pa lang itong malaking hukay na sanhi ng trapik sa abalang intersection ng Katipunan at Aurora. eksaktong sampung taon nga iyon. kasama si Reichell at Princess, sumakay ako ng jeep sa K-Mart (ang bakanteng lote ngayon sa tabi ng UCPB) para tumungo sa UP. magpapa-medical exam kami sa Infirmary (ngayo'y UP Health Service). bagamat nakatuntong na sa malaking campus na ito sa Diliman mga ilang buwan ang kaagahan para sa mga kompetisyon at sa UPCAT, ang biyaheng iyon ang una ko (namin) bilang mga estudyante ng Pamantasan. kahit pa hindi pa kami enrolled noon. si Prins at si Chelli ngayon, hindi ko na alam kung nasaan, pero sigurado akong gumawa na sila ng pangalan sa kani-kanilang larangan. isang abandonadong lugar na ngayon ang K-Mart, naunahan pa ng katapat niyang lote na tinatayuan ng Blue Residences. at hindi na ako nakakadaan sa Infirmary. marami talagang pagbabago ang ginagawa ng sampung taon...

tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa panahon ng thesis

tuwing sasapit ang katapusan ng semestre, may kakaibang hangin na pumapailanlang sa mga pasilyo ng mundo ng NIP. lalo pang damang-dama ito sa panahong ito, sa pagitan ng mga buwan ng Enero hanggang Marso. ang malamig na simoy ng hangin ay humuhudyat na patapos na, hindi lang ang semestre, kundi ang buhay estudyante para sa marami sa NIP. siyempre pa, hudyat din ito ng pagsisimula ng matarik na biyahe tungo sa pagtatapos: ang biyahe ng paggawa ng thesis. tatlong beses na akong gumawa ng thesis. ang thesis time ay isang panahon ng pambihirang pagkamalikhain; sa katunayan, ang blog na ito ay sinimulan ko mga limang taon na ang nakakaraan bunsod ng thesis time. wari bang sadyang bumubukal ang mga salita at ideya, na para bang ang lahat ng bahagi ng utak ko ay nagboboluntaryo, nagpapagamit. para bang ang seksiyon ng utak ko na ginagamit sa pag-awit ay nakikitulong na rin sa pagsusulat ng manuskrito ng thesis. ang departamento na namamahala sa motor skills ay nakipagtulungan sa departame...

tungkol sa pagpapagawa ng bahay

darating at darating ang panahon sa buhay ng isang tao kung kailan gugustuhin niyang magkabahay. maaga-aga lang sigurong dumating ang panahong iyon sa akin. kung ang ibang mga kabataang propesyonal na kaedad ko ay nag-iipon para sa kotse, magagarang damit at iba pang pag-aari, ipinasiya kong gamitin ang naipon kong salapi para kumuha ng pag-aari sa San Mateo, malapit sa bahay ng kapatid ko. hindi, hindi malaki ang naipon ko. isa akong empleyado ng gobyerno, at alam naman natin na dito sa Pilipinas, ang pagiging empleyado ng gobyerno ay isang pampublikong paglilingkod na kadalasan na'y hindi gaanong napapasalamatan sa salita at sa pera. kinailangang humiram, makiusap, magpatulong upang masimulan ang konstruksiyon, at nagpapasalamat ako sa pagkanaririto ng magulang, kamag-anak at kaibigan para tumulong. kung sabagay, nakakaengganyo naman talaga ang tumulong sa isang mahusay na layunin; nakahahawa ang apoy sa mata ng isang taong nagpupursigi. sulit ang pagsisikap habang unt...

tungkol sa pagpasok nang maaga araw-araw

mahusay talaga ang mga alarm ng cellphone . pwede mo itong i-adjust sa "Daily", para kusa itong mambulahaw kahit nakalimutan mo itong i-set. tulad ko, kagabi. ganito yata talaga ang buhay guro; kahit gabi ay hindi nauubusan ng trabaho. makakarating ako sa bahay nang gabing-gabi, magtatrabaho hanggang madaling araw, para lamang ulitin muli ang siklo sa pagpasok muli nang napakaaga. kakatwa mang isipin, nagsisimula at nagtatapos ang araw ko nang wala pang araw. kakatwa rin na isipin na para bang isang paulit-ulit at walang kabuluhang siklo ang buhay, sa pangkalahatan. kapag pinag-isipan, ano ba ang dahilan kung bakit nagtatrabaho sa araw-araw ang lahat ng tao? para dumating sa punto na hindi mo na kailangang magtrabaho. isang malaking kabalintunaan! sa tuwing napapagod ako sa pagkabitag sa infinite loop na ito ng buhay, lumiliwanag mula sa likuran ang mas malaking layunin ng trabaho ko. mapalad akong maituturing, dahil higit sa basta pagkita ng pera, ang trabaho kong ito ...