Paglabas namin ng bahay ay masama ang lagay ng panahon. Maitim ang mga ulap at paumpisa na ang pagbuhos ng ulan. Dahil malayo ang bahay namin sa ospital, napilitan kami ni Irog na magtaxi papunta dun.
Nung nakaraang buwan, natanggap ni Irog ang resulta ng kanyang HIV Antibody Test. Positibo sya. Kaya heto, papunta kaming ospital ngayon para naman sa kanyang CD4 count testing. Inaalam dito kung gaano na kalala ang epekto ng virus sa katawan. Kailangan na magumpisang maggamot kung bumaba na sa 200 ang CD4 count.
Nahirapan kaming hanapin ang lugar. Pareho kaming hindi familiar sa area. First time namin itong pupuntahan.
Pagdating, nalaman naming hindi naman pala naisama si Irog sa scheduled na testing ngayon. Yung doktor na nagbigay ng schedule kay Irog ay hindi nakapagcoordinate sa lugar kung saan gagawin ang test. May miscommunication somewhere.
Grabe talaga pag gobyerno, yan ang tanging pumasok sa isip ko. Pero pagkatapos ng ilang pagpapalitan ng text, tawag at paguusap sa pagitan ng tatlong doktor at isang coordinator, naging maayos din ang lahat. Pumayag din sila kahit puno na ang lahat ng slots.
Ito naman din ang benefit ng bureaucracy, may shortcuts na pedeng gawin upang mapabilis ang proseso at mapasama ang hindi dapat kasama.
Medyo matagal nga lang ang hintayan. Kung maiksi lang siguro pareho ang pasensya namin ni Irog, nagwalkout na kami. Pero kailangan. Sa paghihintay nasusubok ang tatag ng isang tao. Habang naghihintay ay unti-unting nagniningas ang pagaalinlangan. Ito ang dapat nilalabanan.
Kaya naman bilib talaga ako sa Irog ko. Matagal man kaming nagantay, kalmado lang sya. Ni hindi daw sya nagisip ng kahit ano. Para sa kanya, isa lang itong pangyayari na kailangan nyang pagdaanan dahil sa sitwasyon nya. Marahil kasing simple ng pag-ihi kung naiihi, pag-kain kung nagugutom at pag-patay ng electric fan kung nilalamig na.
Makailang saglit pa ay tinawag na si Irog para kuhanan ng dugo. Habang wala sya, nakapagusap kami ng coordinator. Marami akong bagong nalaman.
Una, mataas na pala ang incidence ng HIV sa bansa. Kung dati ay nakakatala ang DOH ng doseng bagong katao sa isang buwan na may HIV, ngayon ay as many as singkwenta na. Almost 500% increase.
Pangalawa, sa mga mayayamang bansa, every 3 months nagpapaCD4 count ang mga taong may HIV. Pero dahil mahirap ang bansa natin, every 6 months ginagawa ang test. Mahal kasi.
Pangatlo, libre ang CD4 count testing dito sa Pilipinas. Merong pondong donasyon galing sa ibang bansa na sumisigurong walang kailangang gastusin ang isang taong may HIV.
Pangapat, kung bumaba na sa 200 ang CD4 count, libre ang gamutan. Every 12 hours ang paginom ng gamot. Araw-araw ito hanggang sa kamatayan.
Panglima, hindi pwedeng pumalya sa paginom ng kahit isang beses. Malaki ang chance na maging resistant ang katawan sa gamot dahil dito.
Saglit lang nawala si Irog. Kinuhanan lang sya ng dugo tapos ayos na. Sinabihan syang 2 weeks bago makuha ang resulta.
Nang matapos sya, ako naman ang magpapatest. HIV Antibody Test naman ang gagawin sa akin. Dun sa package na binigay sa akin, isasama na rin daw itest ang Syphilis at Hepatitis B. Dahil HIV positive si Irog, malaki ang chance na ganun din ako. Kaya ako magpapatest. Para maconfirm. At para makapagpaCD4 count testing na din ako.
May mga forms akong sinagutan bago pa nila ko kuhanan ng dugo. Sa lahat ng forms na ito, hindi tunay na pangalan ang ipinalagay nila sa akin. Anonymous at voluntary ang testing.
Nakatanggap din ako ng pre-test counseling. Kinausap nila ako at binigyan ng tamang impormasyon tungkol sa HIV/AIDS, sa gagawing testing, sa magiging resulta nito at pati na rin ang magiging epekto nito sa aking buhay. Syempre sinabi ko sa kanila na tanggap kong positibo din ako for HIV. Kagulat-gulat sa akin kung hindi. Handa rin akong harapin ang hamon na panatilihin ang sarili kong malusog at maging hindi sakitin. Natuwa naman yung kumausap sa akin dahil malakas daw ang loob ko. Maganda daw ang attitude ko.
Matapos ito ay kinuhanan na ako ng dugo. Dahil pampubliko ang laboratory, kinailangan kong magbayad ng bente pesos para sa syringe na gagamitin sa akin. Bukod dito, libre na ang testing. Umaabot din ng libo ito kung sa pribadong ospital gagawin. Kaya't hindi na ako nagreklamo kahit pa't estudyante ng nursing lamang ang kumuha nung dugo ko at masakit pa ang pagkakatusok nya ng karayom.
Wala pang dalawang oras ang buong pangyayari. Marahil nakaramdam lamang kami ng kaba at takot dahil sa aberyang naganap nung umpisa kaya sa pakiramdam namin ay matagal.
Matapos ito, kumain kami ni Irog ng breakfast sa isang Chinese restaurant. Dahil sa gutom, mabilis naming naubos ang inorder naming lomi at siomai. Hindi na namin pinagusapan ang mga nangyari sa ospital. Wala na ang tense environment. Balik sa dati ang aming kwentuhan.
No comments:
Post a Comment