Tuesday, May 01, 2007

Araw Ng Mga Manggagawa

Sa tuwing sasapit ang Mayo Uno, ito ay karaniwan nang naghuhudyat ng pinakapaborito kong buwan ng taon. pakiramdam ko kase, sa buwang ito ibinubuhos ng mga tao (sa Pinas) ang oras ng pagbabakasyon kasama ang mga mahal sa buhay (sunod sa Disyembre). Sa panig ng mga mag-aaral, sa buwang ito rin nilulubos ang mga huling linggo/araw ng bakasyon bago muling sumabak sa panibagong taon ng pag-aaral.

Mayo Uno 2007... Habang ang karamihan ay abala sa pagpila, pag-uusap, at pagiging aliw sa unang araw ng pagpapalabas ng ikatlong bahagi ng pelikula ng taong gagamba, minabuti kong magkaroon ng ibang pagkaka-abalahan ngayong araw na ito at ang nangyari ay naging pinakamasaya at 'di ko malilimutang Mayo Uno sa tanang buhay ko.

tulad ng nabanggit ko pagkababa namin ng Baguio noong nakaraang semana santa, hinangad ko pa ang isang bakasyon--- bakasyon mula sa araw-araw na paggawa. at ang petsang ito, ika-1 ng Mayo, araw rin ng mga manggagawang Pilipino ang syang tumapat na pagkakataon upang maisagawa ang kahit isang araw man lang na pagtakas sa masalimuot na buhay-lunsod. kaya, ang araw na ito ay pinaghandaan kong maging araw naming dalawa ni ayah:

APRIL 30
ayah: may tickets na ba tayo?
jon: meron na, nagpa-reserve na ko.
ayah: saan?
jon: sa MOA.
ayah: wow, talaga?!
jon: oo, di ba dun mo gusto? agahan natin ha.
ayah: mag-roxas boulevard muna tayo. ay sa wakas, makakapag-roxas boulevard ulit ako.
jon: gusto mo dun na tayo mag-almusal eh.
ayah: sige, jogging tayo tapos dun na tayo kumain. anong oras ba yung palabas?
jon: first showing time.
~ ~ ~ ~
APRIL 30, GABI
ayah: hay naku. si mama ba naman at si jayson naka-impake magsu-swimming daw tayo kina tita gie.
jon: oh, anong ginawa?
ayah: nakaimpake mga gamit pati gamit ko hay naku, ayoko nga.
jon: haha. o, hayaan mo na.
ayah: siguro may alam ka dito ano? kasabwat ka nila??!
jon: hindi ah.
ayah: pag nalaman ko lang na kasabwat ka naku humanda ka sa 'kin.
~ ~ ~ ~
MAY 01, 7 n.u.
jon: anong dala mong damit?
ayah: wala.
jon: wala??!
ayah: wala! ba't pa ko magdadala eh anong petsa na?
jon: eee, ang sungit naman.
...
jon: alam mo ba ang nangyari kahapon?...
...
ayah: o, anong nangyari kahapon? di mo naman kinuwento.
jon: eh akala ko kasi hindi ka na interesado eh. di ka man lang kumikibo. :(
ayah: ito naman.. hindi.. o sige na ano nang nangyari kahapon?
jon: (isinalaysay ang balak para sa araw na ito... naulit na naman: *surprise is spoiled*)

...

jon: gusto mo punta na lang tayong Tagaytay at...
ayah: sige!! :)


...

pag-ikot ng rotonda at pagliko papuntang lunsod ng Tagaytay, pumara kami sa isang binatang nag-aalok ng boat ride.

jon: magkano ang sakay?
binata: 1,200 po ang banka.
jon: kaming dalawa na yun?
binata: opo.
jon: ilang oras yun?
binata: wala pong time limit.
jon: (kay ayah) gusto mo? ok na yun!
ayah: tara :)


at kinabig ko ang manibela patungo (pababa) ng Talisay, Batangas kung saan naroroon ang kanilang resort. dun kase kami sasamahan patungo sa paanan ng Taal at dun din ang simula ng pagsakay ng kabayo kung nanaisin mo pang makapanhik sa dako na kung saan matatanaw mo ang bunganga ng bulkan.


Napakagandang tanawin! Parehong unang pagkakataon namin ni Ayah ang makalapit sa Taal sa pamamagitan ng banka, at habang pinag-uusapan pa namin kung tutuloy kami paakyat sa may crater sakay ng kabayo (dahil mauubos na ang aming dalang "baon") napagkasunduan din namin na tumuloy na. naroon na rin lang, sayang naman kung palalagpasin pa. isa pa, hindi naman madalas kung kami ay pumunta sa dakong iyon. kaya, sout ang mga life vests, binaybay namin ang payapang lawa papunta ng bulkan.


pagkababa ng bangka, pinasakay kami sa tig-isang kabayo paakyat ng bulkan. syempre, nakaktuwa ring sabihin na first time kong mangabayo. haha! naaliw talaga ako. si ayah kase, nakasakay na sa Baguio at sa Taal Vista. pangatlo na niyang sakay ito kaya ok lang, at least, hindi ako gaanong mag-aalala sa pagsakay nya. aalalahanin ko na lang ang pagsakay ko. hehe.. kay dalas pumulandit ng kabayong sinasakyan ko. mabuti na lamang at payapa yung kabayong sinasakyan ni ayah. mahihirapan kase sya kung ang nasakyan nya eh kasing-gulo nung sinakyan ko, bata pa naman yung gumagabay sa kabayong sinasakyan niya. bata talaga--- paslit.



sa wakas... nakaakyat na kami. hingal si manong at ang dalawang kabayo, at kami ni ayah, hingal sa sobrang init at alikabok na nalanghap paakyat (aral: kung walang dalang panyo, umarkila o bumili ng face mask. lubha itong kailangan) sulit naman ang binaybay namin pag-akyat. sa unang pagkakataon ay nakalapit kami mismo sa bunganga ng bulkan. tinanaw namin ni ayah ang lawa nito at nakita namin na tila ito bukal na umuusok pa. ang saya! :) ilang larawan-alaala lamang at bumaybay na muli kami pababa, sumakay ng bangka at nilisan ang napakaganda at napakapayapang lugar.







Mayo Uno... araw ng mga manggagawang Pilipino. Kailangan din paminsan-minsan ay nagkakaroon tayo ng libangan mula sa araw-araw na gawain. pinakamagandang pagkakataon: lumapit sa kalikasan kasama ang mahal mo sa buhay. :)

1 comment:

  1. hi bhe, enjoy ako be hehehe :) nice surprise pati ikaw kasama sa nasurprise hehehe. .

    i love you be

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails