QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Sunday, February 27, 2011

PERSONALITY TRANSPLANT



Sana may mga bagay na pwedeng palitan, katulad ng ugali ng tao o di kaya personalidad mo.pwede din sanang ibahin. Bakit hindi kaya nauuso ang PERSONALITY TRANSPLANT? Para piliin mo ang mga personalidad na gusto mo. Minsan may bagay na gusto mong maging ganito o ganyan, subalit dahil likas na sa iyo ang isang personalidad hindi mo na ito magawang mapalitan pa.

Minsan masarap magkaroon ng personalidad na MATAPANG, yung walang inuurungan na kahit sino, para walang mang-aapak sa iyo na ibang tao. Patayan kung patayan, sabugan ng mukha kung kailangan. Tapos palitan mo naman agad ng personaliad na MALAMBING, para naman makita nila na malambot din ang puso mo. Baka pwede ng gawing combination ito, yung parang milk shake lang, Pagsamahin ang dalawang personalidad.

Minsan nangangarap ka ng personalidad na INSENSITIVE ka sa pakiramdam ng iba, para Malaya mong gawin ang gusto mong gawin may masaktan ka man o wala. O kumuha ng ugaling MANHID, para naman hindi ka makaramdam ng sakit kapag may nanakit sa iyo. Yung tipong para kang robot na walang emosyon at walang pakiramdam.

Nais ko rin magkaroon ng personalidad na MASIYAHIN para naman kahit sa malungkot na pangyayari magawa ko pa ring maging masaya. Tapos sasamahan ko rin ng personalidad na POSITIBO para naman kahit punong puno ako ng problema sa buhay isipin ko pa rin na masarap mabuhay sa mundo.

Gusto ko ri minsang magkaroon ng ugaling MAKASARILI, para gawin ang mga bagay na gusto kong gawin na walang iniisip na ibang tao. O di kaya naman magkaroon ako ng personalidad na MAANGAS para hindi ako lapitan ng mga taong may masamang binabalak lang sa akin.

Baka pwede rin akong maging SPOILED BRAT para naman hindi ako titigil hanggat hindi napapasaakin ang gusto ko. O ugaling MAPAGDUDA para naman hindi inaabuso ng ibang tao ang tiwalang ibibigay ko. Baka minsan pwede rin akong magkaroon ng ugaling INOSENTE para wala akong muwang sa tama o mali. Para gawin ko man ang mali hindi ako magdadalawang isip

Pwede kayang magkaroon ako ng ugaling RISK-TAKER para hindi ako natatakot sa mga resulta ng mga desisyon ko sa buhay. O kaya maging PRANKA, para nagagawa kong sabihin sa ibang tao ang mga ayaw ko sa kanila.

Gusto ko rin maging NARCISSIST para kahit ayawan ako ng lahat ng tao sa mundo, mayroon pa rin nagmamahal sa akin…......ang sarili ko. Pwede kaya iyun?

Sana totoo ngang may personality transplant o di kaya pwedeng bilhin sa tindahan para gamitin mo ang gusto mong gamitin sa araw na iyon. Parang relong may interchangeable bracelet, o gulong na pinapalitan kapag flat na. Pero hindi eh! Mukhang Malabo atang mangyari yun.

Makuha ko man ang mga personalidad na gusto ko, sa huli maiisip ko kahit maging PERPEKTO MAN AKONG TAO.nakakalungkot na wala naman kasing PERPEKTONG MUNDO. Hindi siguro tao ang may problema, ang kapaligiran ko at ang MUNDO mismo. Baguhin ko man araw-araw ang personalidad at ugali , tyak hindi pa rin nito mababago ang mundong kinabibilangan ko. Patuloy pa rin lalabanan ang mga kagustuhan ko sa buhay.

Hangarin ko man makuha ang mga personalidad at ugaling gusto ko, hindi pa rin ako masisiyan dahil sa huli kailangan ko pa ring sumabay sa pag-ikot ng mundo. Kaya bakit ko pa ba babaguhin ko pa ang sarili ko,? kung baguhin ko man o hindi ,aayon pa rin ako inog ng mundo at isasabay ko pa rin ang sarili sa bawat paggalaw ng mundo . Marahil ang kailangan kong gawin ay tanggapin na lang mga bagay na meron ako at gamitin ko sya sa paglalakbay sa MUNDOng ito

Harinawa, na sa paglalakbay na ito, mapulot ko ang mga ugaling gusto ko at maisasabuhay ko ang mga ito ng hindi nangangailangan ng operasyon at hindi pilit. Isa-isa sanang magiging natural sa akin ang mga personalidad na pinakamimithi ko para hindi ko na kailangan pang asamin na maibento ang titulo ng sanaysay na ito.