QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Saturday, October 31, 2009

HABERDEY!!!!



November na pala bukas, grabe ang bilis talaga ng panahon. Ibig sabihin din nyan malapit na ang pasko, at higit sa lahat malapit na rin ang BERTDEY ko!



Oo tama ang iyong nabasa, hindi ako putok sa buho o isang nilalang na biglang nalang sumulpot dito sa ating planeta. Nagbebertdey din ako , kala nyo ba! Pero alam nyo mayroon akong sasabihin sa inyo. Ka-emohan mang matatawag pero alam nyo ba na kahit minsan ay hindi pa ako nakakaranas na magkaroon ng keyk sa aking bertdey. Pangarap kong umihip man lang ng kandila sa ibabaw ng aking bertdey keyk habang nakapikit at nagwiwish. Pero talagang wala eh, gusto ko sanang regaluhan ang sarili ko nito pero naisip ko..parang niloloko ko lang ang sarili ko. Mongoloid??


Umabot ako sa ganitong edad na hindi ko man lang nararanasan ang ganyan, at isang beses lang ako pinaghanda ng aking magulang sa aking berdey (palabok at tinapay lang ang handa ko, tinipid pa ang rekado at palaman ng tinapay ko). At ang hindi ko pa makakalimutan ay noong pinaalalahan ko ang aking tatay na magsisimba ako kinabukasan kasi bertdey ko, kaya gisingin nya ako ng maaga. Pero hayun hindi ako ginising at nagsimba sila. Pagdating sa bahay nagulat pa sila kung bakit maaga akong nagising! Sabi ko wala ba kayong naalala?Sabi nila…uhmmm wala bakit may ano ba? Akala ko ginugudtaym lang nila ako, pero yun pala totoong nakalimutan nila na bertdey ko at nakalimutan nilang gisingin ako ng maaga para magsimba. Hayun natampo talaga ako dahil para namang wala akong kwenta at silbi. Minsan lang sa isang taon ako bebertdey at misan lang din ako magsisimba, nakalimutan pa nila. Lahat ng kapatid ko ginigising nila pag bertdey nila, may bati pa yun samantalang ako wala lang.. Alam ko namang lab na lab nila ako pero yun nga lang lagi ko pa ring naalala ang pangyayaring iyon kapag sasapit na bertdey ko.


Kakaunti lang ang bumabati kapag bertdey ko dahil halos hindi ko na naman kasi pinapahalata na bertdey ko. Hindi ako nagsuuot ng pula, at lalong hindi ako ngumingiti bawat oras kapag bertdey ko. Parang ordinaryong araw lang, at tanging mga malalapit na tao lang sa buhay ko ang nakakaalam nito. Kaya sobrang tats na tats ako kapag binabati nila ako, kahit na minsan forwarded messages lang yun kasi ibang pangalan ang nakasulat imbes na pangalan ko. Pero okay lang!


Dati noong estudyante pa ako, ayaw kong pumasok kapag bertdey ko kasi ayaw kong maging “center of attention”nila. Ibig sabihin nun ayaw kong lagi nila akong kantyawan na kailangan lagi akong maging mabait sa kanila at kailangang ilibre ko sila. Ano sila sinuswerte,sino ako, si Santa Claus? Kaya mas maiging pang umabsent na lang at manood ng Sesame’s Street sa bahay. Dahil pagkatapos ng bertdey ko, wala lang nakalimutan na nila.


Sobrang natatats din ako kapag may nagreregalo sa akin. Minsan lang ako regaluhan at madalas pang brief saka panyo at regalo nila sa akin.Yung brief extra large pa ang size, eh wala naman akong luslos! Hindi ko alam kug bakit brief at panyo ang regalo nila siguro dahil nakikita nila parang bacon ang garter ng brief ko, o di kaya nakikita nilang tumutulo ang sipon kong green na green. O baka dahil mura lang yun at ito rin ang regalong hindi nangangailangan ng sobrang pag-iisip. Sabagay sino ba naman ako para regaluhan? Pero ano pa mang regalo yun tats na tas ako.
Nga pala November 10 ang bertdey ko, ngayon kung gusto nyo akong bigyan ng “picture greetings” maraming maraming salamat, paki padala nyo na lang dito: drake_kula@yahoo.com. Ayaw kong magmakaawa pero kung pinadalhan mo ako n picture greeting ibig sabihin nun labs mo ako,kaya labs na rin kita!Pakiss nga! Pero sabi ko nga ulit, sino ba naman ako para bigyan ng picture greeting?Asa pa!


Konti lang kayong kaibigan ko dito sa blosphere, kaya hindi naman ako nageexpect na marami ang magbibigay ng picture greetings, pero sa mga babati eh hindi nyo lang alam kung gaano ako magiging masaya kahit dalawa lang kayo o tatlo. Hindi naman ako naiingit kay Jepoy, kasi marami naman talagang kaibigan ang nagsasalitang ponkan na yun (peace man) . Masaya na akong may bumabati sa akin, at sa mga hindi babati sa akin, next year magbebertdey kayo at sana maging last bertdey nyo yun este sana magkaroon pa kayo ng maraming marami pang bertdey!Babatiin ko kayo pramis!Hidni naman ako gumaganti.hehhee!


Emo ako ngayon dahil madadagdagan na naman ang edad ko! Salamat sa pagbasa.


Ingat

Sunday, October 25, 2009

CHILDHOOD STAGE

Habang ako ay nagbobrowse ng aking mga files kanina, eh meron isang file dun ang talaga namang umagaw ng aking atensyon. Medyo syempre nung nakita ko yun natawa at talagang tinitigan ko sya ng matagal.


Nangingig ang aking laman noong makita ko ito, ito ang pagkakyut kyut na piktyur ko nung bata. DYARAN…..

Noong mga panahon na yan bungal ako dahil mahilig akong kumain noon ng TIRA-TIRA at MIKMIK.Maitim din at puro kuto pa ako, dahil gusto kong magbabad sa araw.
At medyo dahil sa pagmumukha na yan sari-saring mga panlalait ang inabot ko sa mga tao. Isa na dyan ang kumare ng nanay ko.

Kumare ng Nanay ko: Anak mo ba ito?Bat parang kakaiba sa mga kapatid nya?Ahhh mare kaya nyo pala itinigil ang pag-aanak ni pare kasi panget na ang susunod!hahahaha

Yan ang sabi ng kumare ng nanay kong mukhang mangkukulam, parang sinabi nyang dahil panget na “genes” ng nanay eh kailangan na nilang tumigil sa pag-aanak ( Noong mga panahon na yun gusto ko sanang salaksalin ng sandok ang ngala-ngala nya!).

Isa pa, ito naman ang sabi ng kaibigan ng kuya ko:

Kaibigan ni Kuya: Bro, kung ano ang ikina-gwapo mo eh sya namang ikinapanget ng kapatid mo! Whahahah

Iyan naman ang sinabi ng kaibigan ng kuya kong kamukha ni BABALU. (eh kung sunugin ko kaya ang baba nya at gawin kong barbeque!)

Heto pa kamo, hindi rin ako nakalusot sa nagbabagang dila ng mga kaklase ko

Kaklase ko: Alam mo sa inyong magkakapatid, ikaw ang PINAKALATAK (sa ingles impurity)
Kamusta naman yun? Wow !dumadagundong sa tenga! Sarap tampyasin ang mga dila at ipakain sa buwaya!

Basta marami pa yan, at ikukuwento ko sa inyo sa mga susunod na araw. Kaya tuloy lumaki akong mahiyain (daw), at dala na rin siguro ng mga panlalait na yan, kaya heto hukot ako!(dahil lagi akong nakayuko). Kulang sa kumpansya sa sarili, at pakiramdam ay laging pinagtatawanan ng mga tao. Basta ang laki ng naging epekto ng mga panlalait na yan sa aking makulay na”childhood”.Kaya ano ang aking panlaban………....tenen………… magyabang!!!

Okay buti na lang at medyo lumaki, tumangkad at ……………….bumait (sige pwede na rin yung gumwapo). Yun nga lang kahit na puri-purihin ako, hindi ko pa rin maramdaman! Dahil talaga malaki ang naging epekto nito sa aking buhay sa ngayon.

Kaya minsan kahit pinipilit na nila akong mag-artista, ayaw ko talaga!(hahahha!).Minsan naman halos kaladkarin na nila akong sumali sa Ginoong Bulacan,ayaw ko pa rin! (KAPALPEYS!!) Ayaw ko, kasi nga pakiramdam ko may sisigaw sa mga manonood ng “Bakit sumali yan, eh kay panget panget naman nyan!!”. Eh baka hindi ako makapagpigil eh hagisan ko ng dinamita ang bunganga nya!Hehhehe

Oo nga pala, alam nyo ba na ayon sa pag-aaral ng mga sikolohista (psychologist) na pinakamahalaga sa buhay ng tao ay ang kanyang “childhood stage” (edad 1-12). Dahil dito nanggagaling kung anong ugali meron tayo sa ating pagtanda. Malaki ang epekto ng ating pagkabata sa buhay natin ngayon. Kaya tingnan nyo yung mga inaabusong kabataan, lumalaki din tuloy silang nanakit din. Ang mga batang spoiled brat sila naman yung nagiging mga mainipin at magagalitin.
At natatandaan nyo pa ba ang Marshmallow Test?( ngayon kung hindi pa,pakisearch na lang!)Basta ganito yung resulta, ang mga batang sumunod sa instruction na wag kainin ang marshmallow agad ay sila yung mas naging matagumpay sa buhay noong lumaki na sila kaysa sa mga batang kinain agad yung marshmallow at hindi sumunod sa instruction. Ganun yun!

Kaya mahalaga talaga ang childhood stage dahil ito ang magsasabi kung anong klaseng tao tayo ngayon. Kaya tandaan natin mahalaga ang pagkabata, at sa anak o magiging anak natin, ingatan natin ang kanilang pagkabata at kamusmusan. Dahil ito ang pinakakritikal na estado ng buhay ng isang tao. NAKS MEGANUN!. Sabi ko sa inyo may mapupulot rin kayong aral sa blog ko!hahahah

P.S

Sa tuwing pinapakita ko yung piktyur ko na yan nung bata pa ako, walang naniniwala na AKO yun (akala kasi nila si Rene Requiestas yun nung bata, sumalangit nawa ang kaluluwa nya). Walang kabakas bakas na ganun daw ang hitsura ko noon dahil ngayon ang kamukha ko daw ay si Piolo Pascual (after the accident and head injury)hahahha! Ayaw nyong maniwala pwet este pwes paki click lang ITO

Saturday, October 17, 2009

Magbigay ng Tatlong Bagay..............



Mayroon akong naimbentong laro, na kung saan magbibigay ako ng tatlong bagay na maiisip ko sa bawat kategorya. At ito ang unang tatlong bagay na naiisip ko!

Magbigay ng tatlong bagay na makikita sa bubong


1. Antenna
2. Gulong
3. Cristine Reyes


Magbigay ng tatlong bagay na masarap gawin habang nakapikit

1. Matulog
2. Pitik bulag
3. Kamutin ang betlog


Magbigay ng tatlong bagay na ikagagalit ng mga babae


1. Sabihang tumataba sya
2. Sabihang mataba sya
3. Sabihang balyena


Magbigay ng tatlong bagay na ikagagalit ng lalaki


1. Duwag
2. Supot
3. Liit Titi


Magbigay ng tatlong bagay na mabaho pero masarap


1. Bagoong
2. Durian
3. Yung kwan (basta yung kwan)


Magbigay ng tatlong bagay na hindi mo pwedeng gawin kapag nagdedeyt

1. Pagbayarin ang ka-deyt
2. Dighayan ang ka-dyet
3. Mangulangot saka ipinitik sa kadeyt


Magbigay ng tatlong bagay na sasabihin mo pag nautot ka sa public place


1. Excuse me
2. Sorry tumunog ang cellphone ko
3. Syet! Mamatay na umutot!


Magbigay ng tatlong paaralan na sasabihan mo pag tinanong ka kung saan ka nag-aaral

1. Sa State po…….State Univeristy
2. UK po……….. Unibersidad ng Kalookan
3. Sa PARIS po……… PARIS-TERN University malapit sa Morayta


Magbibigay ng tatlong gulay na maputi


1. PUTITO (Potato)
2. MAS PUTITO ( Mashed potato)
3. Ang pinakapinuno sa pinakamaputi …….PUTITO CHIEFS ( Potato Chips)


Magbigay ng tatlong gulay na hindi kinakain


1. Kamote……. na puro ulalo
2. Ampalaya……… na may lason
3. Kamatis .………. na bulok

Magbigay ng tatlong bagay na nagpapatunay na gwapo ka


1. Gagawa ng blog na ang title “magbigay ng tatlong bagay”
2. Drake ang pangalan
3. May blog na ang title ay UTAK NI DRAKE

Ganda ng laro ko grabe!Pwedeng gawing PAMBANSANG LARO ng Pilipinas!


ingat!

Sunday, October 11, 2009

PEYR BA SI PAPA JESAS???



Hays minsan naiisip mo peyr ba talaga si Papa Jesas? Bakit sila mayaman na, magaganda ang pagmumukha, matatalino, magaling pang sumayaw at kumanta samantalang ako KYUT lang (nice parang poodle lang ah). Bakit sila habulin ng chicks? ako humahabol na nga ng panget na chick, aba nagdadalawang isip pa (choosy??) gusto ko sanang isigaw sa kanya “Hoy! Naniniwala na akong walang nilikha ang Dyos na Panget………IKAW lang….IKAW LANG!!”.


Nakakafrustrate rin talaga, lalo na’t napapadaan ka sa La Salle at Ateneo, bigla ka na lang bang manlilit. Eh ako tuhog tuhog lang ng kwek-kwek sa tabi ng eskwelahan nila, samantalang sila kwek kwek nila nasa cup.Sosyal! Tapos makikita mo talagang kay gaganda ng mga kotse nila tapos kay gaganda din ng mga chicks nila. Yung tipong para kang nasa palasyo ng FHM Tapos mga magulang nila sikat kundi mga artista, pulitiko, ambassador at........................ drug lord. Tapos sila din mga sikat, mga matatalino at magaling pang mag-eenglish samantalang ako hanggang “YOU KNOW” lang ang alam ko. Kaya pag dumadaan nga sila sa harap ko, pakiramdam ko para akong tissue paper (na may tae tae pa) na dinadaanan lang nila at inaapakan.

Kaya minsan para mawala ang panliliit sa sarili ko, iniiisip ko na lang “Naku mabaho din ang tae nyan!” o di kaya “May baktol yan, hadhad, maitim ang singit nyan, kulangot nya blue, amoy bulok na gatas ang utot nya, may almuranas yan, tatay nya adik , kilay nya may kuto, walang butas ang pwet nya, esophagus nya may buni, may bulate sya sa tyan at kung ano ano pa.”
Ganun ,nag-iisip na lang ako ng negatibong katangian nya para kahit papaano eh hindi naman ako maawa sa aking sarili. Siguro ito ang tinatawag na “defense mechanism”.(What the heck ano yun??? nosebleed ako!! Tissue please……..tissue hoy!)

Ang tangi ko lang maipagmamalaki ay ang aking “ beybi peys” (yung mala bondying ang pagmumukha) at medyo special din ako (in a mongoloid kind of way) Ganun! Iyon lang ang aking magandang katangian. Hindi ako marunong sumayaw, kumanta at umakting, kaya hindi talaga ako pwedeng sumali sa Starstruck sa Startrek lang ako pwede. Samantalang yung iba talagang mga talentado at artistahin pa ang mga dating. Ang sarap pagsasabuyan ng asido at pagpipilyain ang kanilang mga paa. Para makabawi man lang ako sa kanila. Akala nila sila lang ang anak ng Dyos. Ako din kaya!

Okay fine, INSECURE ako! Bold and capitalized, Weno ngayon! tapos na ba ang kwento?Hindi pa basahin mo kaya, don’t judge me coz you are not a judge and I’m not a book! Wala tayo sa library, okay! Kaya basahin mo pa, sige basa.

Kaya talagang hina-hotseat ko si Papa Jesas at tinatanong ko sya , kung peyr ba sya?O baka naman nakalimutan lang nya na anak nya ako, at hindi ng kalaban nya.( Malay mo din namisplace lang ako ni Lord).

Kaya nung minsan talagang hindi ko makuha ang sagot habang nakatingin sa malayo at nangungulangot, pumunta na lang ako sa Baclaran at nagsimba. Duon ko sya tinanong, pakiramdam ko kasi ako si Santino at bigla lilitaw sa Bro sa aking harapan, kaso si KUYA pala ng PBB ang lumitaw (impostor sya). Pero hindi nangyari yun kasi hindi nga lumitaw si Bro. Kaya lumabas na lang ako ng simbahan, at paglabas ko bigla akong natauhan sa aking nakita. Nakita ko ang mga batang nanlilimos, ang mga taong walang mga paa’t kamay, mga matatandang hirap na hirap sa buhay, , mga kababayan nating walang maayos na damit, at mga pamilyang nakatira sa ilalim ng tulay. Naisip ko noon…………..Yuck! how gross!! Joke lang! Naisip ko noon napakapalad ko pa pala at marami akong dapat ipagpasalamat sa Panginoon.

Kung minsan kasi lagi tayong nagtatanong kung patas ba ang Dyos?Kung tuusin pala tayo pala ang hindi patas sa Dyos! Madalas tayong tumitingin kung ano ang kulang sa atin, kung ano ang wala tayo at nakakalimutan natin ang mga bagay na ibinigay sa atin ng Panginoon. Nakukuha pa nating umaangal kaysa sa magpasalamat. Marahil kung hindi man tayo naging kasing palad ng ibang tao sa mundo ito at hindi man tayo nabibiyaan ng kayamanan, kasikatan at pagkakaroon ng magandang mukha, binibiyaan naman tayo ng Dyos sa ibang mga bagay na mas higit pa sa mga nakikita ng mata at nabibili ng pera. Nabubulagan kasi tayo ng paghahangad at inggit natin, at nawawalang bahala na natin ang biyayang binigay ng Panginoon . Hindi na natin nakikita ang magagandang bagay na pinagkaloob sa atin ng Dyos. Kung sakaling man na mas higit sila sa bagay namateryal hindi naman ibig sabihin nun ay lamang na sila kaysa sa atin. Na mas mabuting tao na sila kaysa sa atin, o mas totoong tao na sila kaysa sa atin. Hindi sa material na bagay nasusukat ang pagkatao ng isang tao.

Kaya patas ang Dyos, at dapat naging gawin ay makuntento kung ano ang meron tayo para makita natin ang pagiging patas Nya. Nasa atin ang sagot wala sa Dyos, matuto lang tayong pahalagahan ang bawat biyayang pinagkaloob Nya, tyak mas lalo mararamdaman ang pagiging pantay na pagtingin ng Panginoon.

See Watusi, hayan sabi ko sa inyo may moral lesson ang kwento ko! Masyado kasi kayong nag-eepal dyan. Akala nyo puro lang ako kalokohan!

Kaya sa mga naging kaibigan ko dito sa blogosphere maraming maraming salamat sa inyo. Habang nakikita ko kayo lalo kong naiisip na peyr talaga sa akin si Lord (sa inyo hindi!hahaha Joke lang) Basta salamat sa panahon nyo sa pagbasa at pagdalaw sa aking munting kwarto
MGA HULOG TALAGA KAYO NG LANGIT…………………………………..KASI BAWAL KAYO DOON!hahahah!
Ingat

Tuesday, October 6, 2009

Usapang Trabaho

Usapang trabaho ito at dahil usapang trabaho, narito ang listahan ko na gusto ko sanang kuhaning course noong ako’y nagtapos na ng hayskul. At heto yun.

1.Dentista



Pangarap ko talagang maging dentista dahil takot ako sa dentista. At kung sakaling magiging dentisa ako malamang ako na lang ang bubunot ng aking ngipin.Isa pa gusto ko ring kutkutin ang ngipin ng may ngipin. Sa akin kasi ang ngipin ay mahalaga kaya medyo OFF ako sa mga taong may pustiso na nilalagyan pa ng retainer. Okay na sana kung pustiso lang dahil hindi naman talagang maiiwasang masira ang ngipin natin. Pero kung lalagyan mo pa ng retainer?Bakit?Para san yun?Para ba maretain ang pustiso mo! Isa pa, malaki talaga ang kita dyan dahil maraming Pilipinong may bulok na ngipin, dahil likas sa atin ang pagkakaroon ng SWEET TOOTH o minatamis na ngipin!heheheh


2. Chef ( F ang dulo hindi T ha! Baka Shet mabigkas mo)


Gustong gusto ko ang uniporme nila, para bang kahit hindi masarap ang niluluto mo eh , mukha pa rin akong masarap este mukha pa rin masarap yung niluluto ko. Ito rin ang tawag sa sosyal na kusinero/kusinera – CHEF . Aminadong bopol ako sa pagluluto dahil dito na lang ako natuto sa abroad maglinis ng isda at maghiwa ng karne. Kaya naman gusto kong mag-aral nyan. Malay mo magkaroon ako ng karinderya in the future (hu knows runny nose) Saka isa pa, gusto kong magluto ng gulay na hindi lasang gulay. Dahil allergic ako sa mga gulay.

3. Nurse





Maraming nagsasabi na bagay daw sa akin ang uniporme ng nurse. Dahil mabango daw akong tingnan kapag nakaputi akong damit. Hindi ko alam kung bakit nila nasabi yun siguro, gusto nila lang sabihin sa akin na mukha akong mabaho kapag ibang kulay ng damit ang suot ko!hehehe. Isa pa dahil ito ang Pambansang “course” ng Pilipinas (kadedeklara lang ni Gloria kahapon). At imposible sa bawat Pilipino na walang kamag-anak na nurse, nais kong maki-in din. Bukod sa malaki ang kita nito sa abroad ,eh dito pa ibinuhos ng Dyos ang mga nagseseksihan at naggagagandahang mga kolehiyala. Hulala!!


4. Psychologist/psychiatrist


Dahil mahilig akong kumilatis ng tao at dahil may tagas din ang aking utak nais ko talagang maging espesyalista sa utak. Masarap kasi pag-aralan ang ugali at kautakan ng tao. Saka gusto ko rin talagang alamin o tuklasin ang karakter ng bawat tao (para utuin). Dahil alam ko malaki ang epekto ng utak nya sa kanyang buhay at sa kanyang kapaligiran. Kaya nga madalas lang akong nagmamasid at pinag-aaralan ang bawat galaw ng mga taong nagdadaan sa akin harapan sabay kanta ng” Ushigi shigi makantawi uha!Shigi Shigi!” (Dahil kampon ako ni Puma Ley-ar)


5. Piloto.




Gusto ko talagang maging piloto kahit noong bata pa. Kaya naman nung nakatapos na ako ng hayskul eh nag one –on- one kami ng nanay ko


Ako: Nay, may gusto po akong kuhaning kurso pag nag-college na ako

Nay: Aba ano naman yun anak!

Ako: Gusto ko pong maging Piloto (na may halong pagmamayabang)

Nanay (binatukan ako): Bakit mayaman ka ba? Magtitser ka na lang!

Okay hindi na ako nakipagkulitan pa sa nanay ko ,marahil ayaw lang nyang magkaroon sya ng anak na “pilotong kyut”. At dahil ayaw ko ring magtitser dahil baka palamunin ko lang sila ng binilot na eraser at may mugmog ng chalk sa ibabaw. Napagdesisyon ko na lang mag-Engineering .


Alam kong mahina ako sa Math dahil madalas akong utakan ng mga dyipi driver dahil mali ang kwenta ko sa sukli nila. Kaya naman humanap ako ng pinakamadaling Engineering , kaya heto bumagsak ako sa Computer Engineering. Dahil walang Board Exam at mukhang magagamit ko ang kahiligan ko noon sa Solitaire at Minesweeper . Ito ang kinuha kong course. Awa naman ng Panginoon natapos ko ang course ko ng limang taon lang (at 7 bagsak).

Ngayon, hindi ko nagamit ang napag-aralan ko dahil nandito ako sa opisina at hindi sa I.T department. Ubod sa layo ng natapos kong course sa aking trabaho ngayon, at halos may sapot na ng gagamba ang aking mga brain cells. Pero ang mahalaga naman eh okay naman ang kita dito. Kaya pwede na!

Sa totoo lang hindi naman talaga ako “career-driven” na tao, yung tipong kinakarir ang career nila, mas “business-minded” akong tao kaya malamang magtatayo na lang ako ng business sa atin sa Pilipinas pagkatapos kong mag-ipon dito sa abroad. Nag-iisip ako ng negosyong malaki ang kita. Kaya napag-isipan kong magtayo ng pabrika ng…………shabu. Hahahha!joke lang. Basta isang business na pwede sumoporta sa pang-araw araw na buhay ko. (subukan ko kayang magsaka na lang…….....................magsaka ng marijuana!hahaha)


Alam nyo, dalawa lang talaga ang dahilan kung bakit tayo nagtatrabaho. Ito ay para kumita at ikalawa ay para sa ating mga pansariling kaligayan. Dito lang talaga umiikot yan. Ngayon kung anong trabaho man ang tahakin mo o maging businessman ka pa , tyak dito rin lang iikot sa dalawang ito ang lahat. Kaya kung sakali wala dyan sa dalawa yan ang dahilan kung bakit ka nagtatrabaho, aba tanungin mo ang sarili mo? Tao ba ako? Baka robot na ako?hehehe

Kaya tanungin mo ang sarili mo , bakit ba ako nagtatrabaho? Baka kasi hindi ka na tao, robot ka na pala hindi mo pa alam! (Naks interactive na ang blog ko! Wag showbiz ang sagot, lalo nat di ka naman artista!hehehe).

Ngayon kung sinagot mo ang tanong ko at wala ka namang trabaho malamang......... adik ka sa facebook at hindi ito isang quiz sa Facebook!okay

Yun lamang po at maraming salamat

Saturday, October 3, 2009

Telebisyon!!!

At katulad ng aking sinabi dati, kapag nabili ko na ang TV ko ay ipapakita ko ito sa inyo. Sobrang atat na atat ako sa TV na yan, kaya hindi na rin ako makatiis at kating kati na akong magkaroon ng ganyang TV. Teka just to refresh your memory heto ang yung post ko tungkol dyan (maikli lang yun kaya basahin mo na, kung ayaw mo eh di wag! Di na kita bate): ICLICK MO NA SABI EH!!

Kaya heto na yung Samsung LCD TV -32 inches ( naks complete details talaga) na nabili ko lang kahapon. Mainit init pa parang pandesal lang:



Nagdadalawang isip ako kung Sony o Samsung ang bibihin ko dahil hindi naman nagkakalayo ng presyo. Pero napansin ko mas malinaw ang Samsung kaysa sa Sony kaya Samsung na lang! Dapat matagal na akong meron nyan yun nga lang ang dami ko pang kailangan bayaran kaya medyo nadelay ng konti, tapos nauna ko pang bilhin yung NETBOOK ko kasi nga sayang yung internet sa bahay kung hindi ko magagamit.


Oo nga pala may kwento yung NETBOOK na yan saka yung LCD. Nag-iisip kasi ako nun kung isang high end na laptop ba ang bibilhin ko o isang 42 inches LCD TV, medyo nagdadalawang isip ako nun. Pero napagdesisyunan ko na bilhin yung NETBOOK (mura lang kasi to eh) at yung 32 LCD naman ang gagawing kong monitor kaysa sa isang high end na computer o 43 inches LCD TV ( Yung dalawang yan ay kasing presyo nung high-end na laptop at ng 43 inches na TV)

Sa ngayon medyo excited na akong manood ng Dora the Explorer saka ng Ben 10 sa aking bagong TV. Siguro by next year bibili ako ng Lazy Boy Chair, para mas lalong masarap manood sa TV.



Oo nga pala, hindi ko naman pinagmamagaling o pinagyayabang iyan.. Medyo natutuwa lang ako kasi ito ang regalo ko sa aking sarili ngayong 2009. Alam nyo naman na lahat ng kinikita ko dito sa Saudi ay pinapadala ko sa aking pamilya.Kaya siguro hindi naman kalabisan kung sakaling rewardan ko ang sarili ko sa mga bagay na yan. Ngayon, kung nayayabangan ka sa akin eh…………………………………. inggit ka lang, Belat!!! Hahahhaha!! Joke lang!


Aba hindi biro ang magtrabaho sa ibang bansa, kaya ito na ang pampatanggal homesick namin dito. Meron sigurong magsasabi dyan na dapat ipantulong ko na lang yung perang yan sa mga nasalanta ni Ondoy. Pero nagawa ko na yun, nagbigay na ako ng tulong pinansyal sa mga nasalanta ng bagyo. At pati ang mga nanay at tatay ko ay mamimigay na rin ng damit para sa kanila. Nagawa na rin naming mamigay ng bigas sa kanila. Kaya siguro naman walang eepal dyan. At kung umeepal ka! aba huwag ako ang putaktahin mo, ang epalan mo ay yung mga pulitikong kay yayaman pero barya lang ang binigay kumpara sa kinukurakot nila.


Back uli tayo sa kwento ko at least hindi ko na uli hihiramin pa yung projector ng kumpanya (pero pwede rin pag special occasion). Medyo next year pa uli ako magreregalo sa aking sarili at kailangan ko muling magbanat ng buto para may pambili muli ako. Basta sa ngayon eh magpapakaduling muna ako sa aking TV.Hehhehe!

P.S

Dumating na pala si Bagyong Pepeng sa Pinas, sana hindi sya gaanong manalasa sa atin. Kung pwede lang bang imbitahan muna si Pepeng para magkape at mauto kong umiwas sya sa Pilipinas gagawin ko eh. Kahit sa Starbucks pa, maligtas lang ang Pilipinas sa hagupit nya. At sana Papa Jesus sawayin mo naman yang si Pepeng, kasi pasaway yan!