Nanonood ako ng TV Patrol nung isang araw, at binalita dun na si Gretchen Baretto ay may “ALBUM” na at sya raw ang kumanta ng lahat ng kanta dun. Kamusta naman yun.
Siguro ito ang sabi ni Lord sa kanya:
“Gretchen, binigyan kita ng bibig para pangkain LANG aba bat mo pinangkakanta yan. Wag ganun wag mong abusuhin”
Well, hindi naman na bago yan, eh kung si Willie nga na kay panget panget ng boses ay naka-“Platinum” na ang album. Saka si Kris na nagkwento lang na parang si Lola Basyang at hindi naman kumanta sa inaangking Album ay bumenta rin, eh malamang baka bumenta rin ang album ni Gretchen. Pero hindi dahil sa boses nya kundi dahil sa kagandahan at kaseksihan nya . Maganda pa rin si Gretchen noh, walang nagbago sa katawan at mukha. (Greyd siks palang kasi ako lakas tama na ako sa kanya)
Sa aming mga manyak este sa aming mga lalaki ang una naming napapansin sa babae syempre ang katawan (kung seksi) saka mukha.Kumbaga after nung dalawang yun, eh talo talo na. Kumbaga kahit mukhang bukirin ng luya ang paa o di kaya parang ugat ng niyog ang kamay nya basta’t seksi at maganda, eh panalo na sa amin. Kaya naman medyo na-curious ako, kung ano naman ang unang tinitingnan ng mga babae sa aming mga lalaki.
Kaya tinanong ko yung barkada kong babae kung ano ba ang una nilang nakikita sa isang lalaki, yung sa pisikal. At di naman ako nabigo kasi sabi nya sa akin ”Malakas daw ang appeal ang lalaking MATANGKAD” (Ahhh!! Okay)
Sabagay iniisip ko nga na tama sya kasi madalas kong naririnig sa kanila ito:
“Sayang, cute pa man din sya, kaso PANDAK” o kaya “Uy ang pogi nya kaso ang liit nya” di ba parang nawalan sila ng gana.
Pero sa matangkad naman wala ka namang maririnig na ganito
“Uy ang tangkad naman nya kaso Panget sya” o kaya “Sayang matangkad pa man din sya kaso mukha syang palayok”. Yung tipong ganyan ba.
Kaya hindi mo masisisi na kay gaganda ng asawa ng mga basketbolista. Kahit mukhang contestant sila ng “Datu Puti Drinking Contest” sa asim ng mga pagmumukha, eh panalong panalo pa rin sila sa mga gerlpren at asawa nila. (Gaano kaya kaganda ang asawa ni Yao Ming???, hehehhe)
Sabagay masagwa naman kasing makita na mas matangkad pa sa lalaki yung babae, kasi baka mapagkamalan silang mag-ina o di kaya magtyahin at may magtanong ng”Sino yan, anak mo?”. Tiyak mapapahiya yung babae at uusok na parang tren ang ilong at tenga nya. Isa pa kung hahalikan o yayakapin mo yung babae, eh kailangan mo pang tumingkayad o kaya sabihin ng lalaki “teka lang honey, kukuha lang ako ng tungtungan”(MEGANUN). Marahil, totoo ang surbey noon, na ang kagandahan daw ng babae ay nakikita sa kaputian nya, sa mga lalaki naman sa katangkaran naman nasusukat ang laki ng……………….. ……..paa nya (kala nyo kung anona noh) at ng kanyang kagwapuhan.
Napag-isip isip ko lang na ang gandang lalaki ay pwede namang -ienchance, kaya nga nandyan si Vicky Belo (onli Bilo tatses may iskin) at si Manny Calayan (if you want to look like Boy Abunda go to Calayan-sabi ni Belo yan hindi ako) , pero ang pagiging matangkad eh medyo mahirap gawan ng paraan. Kahit uminom ka ng isang drum ng CHERIFER, lantakan mo ang isang garapong star margarine, matulog tuwing tanghali, gawing pangmumog ang gatas, tumalon ka tuwing bagong tao, at gawing kornik ang mga pampatangkad na gamot eh medyo mahirap atang umepekto yun.Kaya kahit kamukha mo pa si AGA MUHLACH sa kagwapuhan eh kung kasing height mo naman si DAGUL, eh parang hindi pa rin aappeal yun sa mga chicks at laging may SAYANG sa umpisa at KASO sa gitna.
AKO, Mula kinder hanggang port dyir hayskul lagi akong nasa unahan ng pila, kasi ako daw ay PANDAK, UNANO, DWENDE,JABAR , GREMLIN, at kung ano ano pang mga mapanglait na tawag. Kaya naman ako ang pinagdidiskitahan ng titser kong magkukumpas ng Lupang Hinirang at magkakulani sa Panatang Makabayan. Eh piling din ng epal kong mga kaklase ako ang nawawalang dwende ni Snow White o di kaya ako ang anak ni Janice (yung tyanak ni Lotlot). Kaya madalas ako ang inuuto-uto at pinagbabatuk batukan ng mga iyon. Kaya naman gulat na gulat sila noong nagkolehiyo ako na para akong kabuteng biglang tumaas. Hindi dahil nung nagkolehiyo lang ako nagpatuli (kasi greyd por palang ako tuli na ako, hehhehe depensib!!) kundi dahil “LATE BLOOMER” daw ako, kumbaga sa pusa ay leyt na akong lumandi. Medyo noon lang nagdebelop ang aking height, mula sa pagiging pandak ay nagkaroon ako ng height na pang “MODEL” (model ng antifungal cream, hahaha). Kaya lahat sila nagulat, at tinatanong kung ano sikreto ko.
Kaya nga nasabi ko sa sarili napaka FAIR talaga ni Lord. Kasi, hindi man nya ako binigyan ng ubod gwapong mukha eh binigyan naman nya ako ng okay na height. Kaso yun nga lang , nung minsang napadaan ako sa may bandang La Salle at Ateneo, medyo nanlumo at nalungkot ako . Aba puros matatangkad , gwapo at maganda na, mayayaman pa kaya naiisip ko tuloy “ Lord bat may favoritism ka?”.( Magmimigrate na talaga ako sa Antartica)
Ayon sa pag-aaral ng mga tambay sa kanto, ang tipikal na height ng isang pinoy na lalaki ay nasa 5’5 hanggang 5’7 kaya kung bumaba ka sa height na yan malamang sinasabihan ka ng unano at pandak pero kung medyo nataas ka dyan sa height na yan malamang ay………… matangkad ka (hindi ba obvious), pero kung sumobra ng todo ang height mo eh malamang din sinasabihan ka ng KAPRE.
Sa paghahanap ng trabaho ang HEIGHT ay mahalaga din, ultimo nga sa Jollibee, ang service crew dapat 5’5 o mas mataas pa. Kaya nung nag-apply ako nong medyo pandak pa ako, aba akala mong nasa health center ka na sinusukat ang height mo ng ruler dapat sakto sa guhit nila sa pader. Eh nung hindi ako umabot kahit nakatingkayad ako sabi ba naman sa akin “Eh ato, mukhang pinabili ka lang ata ng suka ng nanay mo?” . Aba nanlait pa, eh iniisip ko nga gaano ba kataas ang prituhan nila ng burger at lutuan ng spaghetti?
Noong medyo tumangkad tangkad naman na ako nag-apply ako sa SM para maging Warehouse Clerk. Pinatayo lang ako sa harap ng supervisor nila at tiningnan ako mula ulo hanggang paa, akala ko nga pagsasayawin pa ako ng nakahubo (macho dancer??) pero nag-isip lang sya ng sandali saka sinabing “SIGE TANGGAP KA NA”. Medyo masayang masaya ako noon. kasi first job ko yun, pero nanlumo ako nun sinabi sa akin na gagawin pala akong salesman ng mga BRIEF. Lakas mang-asar ng supervisor na yun. Hindi ko na tinanggap yung trabaho kasi baka pagtrabahuhin pa ako ng naka brief lang para sa sample. (Patay tayo dyan!!)
Pero aminin man natin o hindi, malaking factor talaga ang height sa isang lalaki. Pero hindi naman dito nasusukat ang pagkalalaki ng isang lalaki. Ang pagiging responsibleng tao, pagiging magalang lalo na sa mga kababaihan,at may paninindigan at prinsipyo, ito talaga ang sukatan ng pagiging lalaki. Siguro sa pisikal na aspeto malaking bahagi talaga ito pero tandaan na ang lahat ay mga pabalat lamang. Hindi permante ang lahat ng bagay sa mundo. Hindi rin natin mapigilan ang ikot ng mundo at pagdagdag ng ating edad. Darating ang araw na ang lahat ay kukupas at mawawala. Kung ang kagandahan at kagwapuhan ay mawawala at mapapalitan ng kulubot na balat, pati na rin ang pangangatawan natin ay babagsak din. Magigising na lang tayo na babaluktot ang ating mga buto at ang pinagmamalaki nating tangkad ay yuyukod din sa lupa.
Basta para sa akin, masaya ako kasi napapansin nila na maganda ang height ko, pero mas magiging masaya ako kung mas mapapansin nila ang pagkatao, ugali at asal ko sa positibong perpestibo. Sabagay, ako rin naman hindi lahat ng maganda sa patingin ko ay maganda din sa panloob. Kaya nga ako hindi lang basta sexy at maganda, dapat mabuting tao din.
Kaya hinding hindi ako bibili ng Album ni Gretchen kasi di naman yun makakatulong sa pang-araw araw kong pamumuhay at baka mawala pa ang CRUSH ko sa kanya. Magdodownload na lang ako ng mga piktyur nya sa internet at aking pagpapantasyahan este titingnan araw araw, baka makatulong pa yun para maging maganda ang araw ko, hahhaha.
Basta alam kong hindi lang sa taas nasusukat ang tao, hindi sa tangkad nakikita ang kanyang pagkatao, kundi sa laki ng kanyang puso para magbahagi ng pagmamahal sa ibang tao.
Yun lamang po at salamat sa pagbasa.