Huling buwan ng kasinungalingan
april
Hindi ko alam kung bakit nakikisabay ang buwan sa pagsulat ko ng kwentong ito. Nagkataon lang kaya. O sadyang ako yung nakikiayon sa paglipas ng buwan sa mga nangyari sa akin noong nakaraang taon.
Noong nanlalamig na sakin si F. Naiisip ko kailangan ko nang kumilos talaga. Tama na ang pakikipaglaro ni karibal. Sa oras na ito, ako naman ang makikipaglaro. Mas gagalingan ko at sisiguraduhin kong ako ang mananalo. Dumating na nga ang April 5, 2010. Simula ng summer class namin. Eto na ang araw na pinakahihintay ko. Makikita ko na ulit si F. Noong umaga nagkasalubong kami ni F, saglit lang kami nakapag-usap. Sabi niya may sasabihin daw siya sakin importante. Napansin kong iba na siya noong nag-usap kami. Parang may kakaiba, parang ang lamig. Hindi na siya yung babaeng nililigawan ko. Kinutuban ako pero nangibabaw pa rin ang mind-set ko sa balak ko.

Noong tanghali nagkasabay kami kumain ng lunch. Pero hindi pa rin niya sinasabi sakin yung sinabi niya kaninang umaga. Maraming tao sa Jollibee noon. Maraming estudyante naglipana para kumain din doon. Marami akong nakitang mga kakilala pero bumigat ang dibdib ko nung nakita ko siyang nandoon. Ang karibal kong si M na nakaupo malapit sa amin. Pero dedma lang. Wala akong akong paki kahit nandun siya. Ang importante, ako ako katabi ni F ngayon. Pero nung paalis na kami, bigla siya lumapit sa likod ni F at pabulong na kinausap ito. Wala naman akong magawa sa totoo lang dahil wala akong karapatan magalit since hindi pa naman kami. Mistulang sunod-sunuran akong parang aso kay F noon na nasa likod din niya si M. Noong nasa loob na kami ng college, ako na ang umiwas, sinadya kong magpaiwan sa kanila. Walang kasing patutunguhan kung ipagpapatuloy ko tong pagsunod.
Noong paakyat ako ng hagdan, pababa naman si M na alam kong hinatid niya si F sa klase, nagbanggaan ang braso namin ng malakas. Napakalaki ng espasyo pero pilit niyang ginawa yun. Mabilis ang pangyayari kaya pinabayaan ko na lang. Ano to naghahamon ng away? Sa isip-isip ko. Pucha! ayos lang sakin at nagiinit narin ako noong mga oras na yun sa mga ginagawa niya. Wala na kong pakialam kung magkamajor offense ako, kick out na kung kick out. Isa na lang talaga at magwawala na ko.
Noong uwian nagtext sakin si F. Kita daw kami sa 2nd floor ng building at halos wala nang tao noon. Pero pagpunta ko nandun din si M. Sabi niya ay mag-usap daw kami ni M. Ok lang naman sakin. Interesado ko sa mga mangyayari. Pero kabadong-kabado na ko. Hindi ako komportable sa ganitong sitwasyon. Noong nagkaharap naman kami ni M wala siyang imik.
Diniretso ko siya, anu na? at tsaka para saan yung malakas na pagkakabangga ng braso natin kanina? wala......sagot nya.
Tangina! wala talagang kwentang kausap tong taong to.
Kinakabahan ako noon kasamang nagiinit ang katawan ko sa nararamdaman ko. Halo-halo na ang emosyon ko, at gulong-gulo na ko noong mga oras na yun. Parang may dapat kong malaman.
Dumating si F at naupo kaming tatlo. Walang nagsasalita. Tahimik.
Sabihin mo na kasi. Kawawa naman si Ken oh. Basag ni F sa nakabibinging katahimikan Tanging kami na lang ang naiwan sa palapag.
Ayoko lang kasi ng may lumalapit sa girlfriend ko. Ano kamo? Tama ba ang pagkakarinig ko GIRLFRIEND? Nabibingi yata ako.
Hindi umuulan pero basang-basa ang mukha ko sa mga luha. Tuloy-tuloy na parang walang katapusan. Ano F, girlfriend? Kailan pa? Titig kong tanong sa kanya pero wala siyang imik, hindi siya makatitig sa akin. Walang may gustong sumagot sa simple at nagususumamo kong mga tanong. Inoffer ni F ang panyo pero nagmatigas ako. Para saan pa yang panyong yan? para ipamuka lang sakin na kaawa-awa ako? Nagwalk-out akong humahagulgol na parang bata. Hinabol ako ni M pababa ng building na akala ko concern siya para sakin. Yun pala pinadaan lang niya ko sa tagong daan palabas ng school para walang makakita at may magtanong pa. Hinawakan niya ko at nagpumiglas ako at baka masuntok ko lang siya. Lumabas ako ng kolehiyo. Walang pakialam sa pagtawid kesehodang masagasaan. Hindi na ko namili ng jeep na sasakyan kabaligataran sa normal kong ginagawa, basta ang gusto ko maibuhos ko ang bigat ng tubig na nasa mata ko.

Pagsakay ko ng jeep, patuloy pa rin ang aking pagluha. Yumuko na lang ako at nagtakip ng mukha dahil nakita kong pinanood ako ng ale na katapat ko. Dito ko napagtanto ang lahat-lahat. Dito ko naisip na mukha pala akong tanga buong araw kakasunod kay F. Sabi ko pa naman na mas handa na ako ngayon makipaglaro pero sa huli ako pa rin ang napaglaruan. Sa halos limang buwan na kasama ko siya, kung alam ko lang ganito ang kahihinatnan sana hindi na lang ako nagpadala. Sana hindi ako nasasaktan ngayon, at sana hindi nagsibagsakan ang grades ko. Ngunit huli na. Nasa huli talaga ang pagsisisi. Iniisip ko na lang na maganda rin at naexperience ko ang ganito. Naranasan ko ang masaktan.
Ilang araw at linggo ang lumipas. Wala akong natanggap man lang na text sa kanila. Wala man lang sorry. Parang walang nangyari. Nabalitaan ko pa na marami na pala ang unang nakaalalam na naging sila kaysa sa akin. Nabalitaan ko pa na naging MU daw pala sila. Dito lalo akong nagalit. Lalo tumatak sa isip ko na parehas lang pala sila manloloko, na lahat ay kasinungalingan, na dapat nga silang magsama. Kaya nakapagsulat ako sa blog noon ng masasakit na salita. Doon ko ibinuhos ang lahat sama ng aking loob.
Ilang araw pagkatapos ko yun malatlahala, tinext ako ni F. Magsosorry pa naman daw sana siya pero ganun ang nabasa niya, ganong klase daw pala akong tao. Wow naman ako pa ngayon ang masama ano? Marami siyang tinext noon na burado ko na. Wala namang saysay kung itatago ko pa yun. In the first place, karapatan ko na isulat ko yun sa blog ko at halos walang nakakaalam nun kung tutuusin kaya lang nakonsensya din naman ako. Nagsorry ako pero hindi na siya naniwala, hindi tinanggap. Dinugtungan pa ng maaanghang na text ng traydor niyang boyfriend. Sa huli, nagdecide na rin ako na tigilan na ang kalokohang ito. Wala akong mapapala kung magmumukmok ako at iisipin ko silang dalawa.
BITTER. yan kasi ang bungad ng mga tao sakin kapag napaguusapan ang nakaraan. Ewan ko ba kung mapagusapan eh parang bago ng bago kung baga parang kahapon lang nangyari. Stagnant pa rin yung pangyayari sa kanila kahit isang taon na ang lumipas. Ampalaya man ako sa tingin nila, alam ko naman may darating at darating dyan para sakin na mas worth kaysa sa kanya. Tuloy lang ako sa paghihintay...Sabi nga “When it comes to affairs of love and hurt, you have to wait for your heart to learn what your head already knows, then you can break free.”
Current status: Single. LOL
--The End.--