Naglakad na kami ni Dave upang makasakay sa elevator habang basang-basa ang aming mga kasuotan. Lubhang nakakapagod nga naman kung aakyat kami sa 23rd floor gamit ang hagdan. Pagkarating namin sa elevator ay maraming mga tao ang nag-aabang upang makagamit rin nito. Nang bumukas na ang elevator ay nag-uunahang pumasok ang mga taong kasabay namin at dahil sa pagmamadali ay nakipagsiksikan na lamang kami ni Dave.
“Miss, 23rd floor please”, paalala niya sa babaeng nagooperate ng elevator.
Medyo matagal-tagal na paghihintay ito sapagka’t halos lahat ng palapag ay may naglalabas-masok na mga okupante ng naturang gusali. Sa sobrang daming tao ay halos magkadikit ang katawan namin ni Dave. Medyo masikip ang espasyong aming ginagalawan sapagka’t hindi kalakihan ang elevator ng gusaling ito. Hindi ko sinasadya subali’t magkaharap kami ni Dave habang nakasakay sa elevator. Hindi ko mapigilang tumingin sa kanya at mamangha sa pagkakahawig nila ng bahagya ni Miguel. Nahuli niya akong tumitingin sa kanya at nakikita ko siyang nagbabalik ng ngiti. Medyo nahiya ako kaya tumingin na lamang ako sa mga pindutan ng numero at sa taas ng pinto ng elevator.
“19”.
“20”.
“21”.
“22”.
“23rd Floor”, sambit ng babae habang nagpapaypay.
Nasa ika-dalawampu’t tatlong palapag na nga kami. Sa wakas, nakalabas din kami sa di-mahulugang karayom na elevator. Naglakad kami patungo sa ikalimang pinto sa kanan mula sa nasabing elevator.
“2313”, ito ang room number na napansin kong nakalagay sa pintong bubuksan sana ni Dave. Inilabas niya ang susi at akmang ilalagay na sa door knob. Hindi pa man nabubuksan ni Dave ang pinto ay kusa itong bumukas.
“Kuya Steve, papasok ka na?”, tanong ni Dave sa lalaking nagmamadaling lumabas sa kanilang silid. “Siya nga pala, si Macky, friend namin ni Miguel.”
“Nice meeting you Macky”, at kinamayan niya ako. “Oh siya, mauna na ako, baka ma-late pa ako”
“Si Kuya Steve, he’s working in a call center sa Makati. Kaya laging ganitong oras kung pumapasok sa office”, pagpapakilala sa akin ni Dave kay Kuya Steve.
Mula sa kinatatayuan ko ay natatanaw ko si Kuya Steve na naghihintay sa elevator.
“Anong work niya? Call Center agent?”, tanong ko kay Dave.
“Nope. Dati yun, after three months napromote. QA. Quality Assurance na siya ngayon”, at tumuloy na nga ako sa kanyang silid. “Ito ang room namin ni Kuya Steve, it’s not as big as the units in Laguna, lalo na kung icocompare sa tinutuluyan ni Miguel. Medyo may kamahalan rin dito. Pero I don’t have a choice. Dito ako nag-aaral and haggard pa kung araw-araw akong babiyahe.”
Tama nga si Dave, hindi kasing laki ng kuwarto ni Miguel ang unit na ito. Pero wala akong masabi sapagka’t masinop silang magkapatid at napapanatili nilang malinis ang silid. Napansin ni Dave na nilalamig ako kaya pinatay niya muna ang aircon. Ilang sandali pa ay binuksan ni Dave ang kanyang aparador at inabutan ako ng damit. “Magpalit ka muna”, anyaya sa akin ni Dave. Naalala ko tuloy si Miguel. Ganitong ganito siya noong una kaming magkita.
Kinapa ko ang aking wallet. Naalala ko nga pala na hindi ito gawa sa leather kaya kinabahan ako na baka maging mga laman nito ay nabasa na rin. Hindi ako nagkamali. Nalungkot ako sa nakita ko. Hindi lamang pera ang nabasa, maging ang mga larawan namin ni Miguel. Nagdikit-dikit at ang ibang mga imahe ay nasira na rin. Pinagmasdan ko ng matagal ang mga larawan. Napabuntong-hininga ako. Ayaw na ayaw ko pa naman na may nangyayaring masama sa mga bagay na ibinibigay sa akin.
Lumapit sa akin si Dave. Kinuha ang mga hawak kong larawan. “In life, wala ka nang magagawa sa mga bagay na nawala na. You may cry but you can’t bring them back”. Tiningnan ko si Dave nang matagal at bigla niyang sinabing, “But in this case, pwede mo namang i-recopy ang mga pictures nyo ni Miguel. Bukas na bukas rin ipapaprint ko siya sa mall. Ok?! Wag ka nang malungkot”.
Pumasok na nga ako sa loob ng banyo upang magbihis. Pagkalabas ko ng kubeta ay si Dave naman ang gumamit nito para magpalit ng damit. Habang hinihintay ko si Dave ay dumudungaw ako sa bintana. Mula rito ay kitang kita ko ang buong Kamaynilaan: ang buhul-buhol na trapiko, ang bahang lansangan, ang mga barko sa Manila Bay, at ang malakas na ulan na may kasamang pagkidlat. May bagyo nga ata. Paano ako makakauwi nito? Teka, nagri-ring ang phone ko. Dali-dali kong kinuha ang cellphone ko sa mesa at sinagot ito. Si Mama. Nag-usap kami ni mama na tila nag-aalala na rin.
“Hello Ma?”
“Mac, asan ka ba? Nag-aalala na ako dito. Ang lakas ng ulan. Anong oras mo balak umuwi?”
“Medyo stranded ako Ma, andito ako sa Vito Cruz sa bahay ng friend ko.”
“Kapag hindi tumigil ang ulan, stay there. Baka mapano ka pa. Ok?”
“Sige Ma”
At naputol na nga ang linya. Lumabas na rin si Dave sa banyo at nakasandong puti at boxers.
“Kailan kayo huling nag-usap ni Miguel?”, tanong ko kay Dave.
Napaisip siya ng matagal. “Magdadalawang Linggo na”, sagot sa akin ni Dave habang nag-aayos siya ng bed sheet at blanket.
“You mean, yung araw ng flight niya? Oh before nun?”
“The day ng flight niya”, at nahiga si Dave sa kamang inayos niya. “Ang dami mong tanong ah. Makulit ka nga talaga kagaya ng sinabi sa akin ni Miguel. Try to sleep at alam kong pagod ka.” Nagtalukbong ng blanket si Dave. “Teka, do you want the lights on or off?”
“Iwan mo na lang bukas ang ilaw”, Nahiga na rin ako sa kama at bahagyang malayo kay Dave. Nakatalikod rin ako sa kanya at hindi ako gumamit ng blanket dahil gamit na ito ni Dave.
“Hindi ka ba nilalamig?”, tanong sa akin ni Dave. Humarap ako sa kanya at nagsabing, “Medyo”
Nilagyan rin niya ako ng blanket. Magkasalo kami ni Dave sa iisang blanket. Kahit patay na ang aircon ay nilalamig pa rin ako.
Nang tingnan ko ang orasan ay magiika-siyam pa lang ng gabi.
Nagkatitigan kami ni Dave at nagtanong siya sa akin, “Inaantok ka na ba?”
“Hindi pa naman” tugon ko sa kanya.
“Nagugutom ka ba?”
“Medyo”
“Gusto mong kumain?”
“Ayos lang”
Hindi ano ano’y narinig namin ni Dave na tumunog ang sikmura ko.
“Hindi halatang gutom ka”, biro ni Dave habang tumatawa.
Binuksan namin ang refrigerator at nilabas ang mga sangkap na aming gagamitin.
“Marunong ka bang magluto?”, tanong sa akin ni Dave.
“Hindi eh. Ikaw?”
“Oo naman, bukod sa parehas kaming magandang lalaki ni Miguel, parehas din kaming magaling magluto”.
“Kapal naman ng mukha mo!”, at naghalakhakan kami ni Dave.
Nang handa na ang lahat ay magsisimula na kaming magluto ng hapunan.
“Gusto mo ng pasta?”
“Kahit ano basta makakain”, sagot ko kay Dave. Naalala ko ulit si Miguel. Lalo lamang akong nangulila sa kanya. Ilang araw na siyang hindi nagpaparamdam. Kahit tawag o email wala. Tinotoo na ba talaga niya na wala na kami? Nguni’t bakit pa niya ako pinababantayan kay Dave? Naguguluhan ako.
Habang nag-iisip ng mamalim ay hinawakan ni Dave ang aking mga kamay, pinahawakan ang kutsilyo, at ipinatong sa chopping board.
“Ok ganito magluto”, ginabayan niya ang aking mga kamay sa paghiwa ng mga sangkap. Nasa likod ko siya habang tituruan niya ako kung paano magluto. Nakakatuwa naman pa lang magluto. Akala ko mahirap. Hindi pa rin binibatawan ni Dave ang aking mga kamay at nanatiling nasa likod ko hanggang sa malagyan ko na ng sauce ng pasta.
Nagdadalawang isip ako sa pamamaraan ng pagbuhos ko ng sauce kaya bumaling ako kay Dave at nagtanong…
“Ganito ba?”
Hindi ko napansin na nakatingin lamang pala sa akin si Dave at hindi sinasadyang nagdampi ang aming mga labi. Natigil ako sa pagsasalita. Medyo matagal na magkadikit ang aming bibig. Naramdaman kong gumagalaw ang mga labi ni Dave at nagmistulang hinahalikan na ako. Humarap ako sa kanya at napayakap. Napapikit ako. Lingid sa aking malay ay gumanti rin ako ng halik…
(itutuloy…)