Isang independent film ang napili ng Film Academy of the Philippines (FAP) na maging kinatawan ng Pilipinas para sa gaganaping iak-82 Academy Awards' best foreign language film category sa susunod na taon -- ang Ded na si Lolo ni Soxie H. Topacio.
Tinalo ng Ded na si Lolo ang ilan sa mga pelikulang nag-iwan ng kasaysayan sa industriya ng pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng paghakot ng mga parangal tulad ng:
BALER. Ang Baler ay kalahok sa ika-34 na Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon. Ang pelikulang ito ay halaw sa tunay na kaganapan sa kasaysayan ng bansa. Pinagbibidahan ito nina Anne Curtis, na nanalong Pinakamahusay na Pagganap ng Isang Pangunahing Aktres, at Jericho Rosales. Nakamit din ng produksyon ang Pinakamahusay na Pagganap ng Isang Pangunahing Aktor (Philip Salvador), Pinakamahusay na Direksyon (Mark Meily), Pinakamahusay na Dulang Pampelikula (Roy Iglesias), Pinakamahusay na Sinematograpiya (Lee Alejandro), Pinakamahusay na Disenyong Pamproduksyon (Aped Santos), Pinakamahusay na Editing (Danny Romero) at Pinakamahusay na Pelikula. Nasungkit din nito ang ilang natatanging gantimpala tulad ng Gender Sensitive Award at Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award.
*Sa aking pananaw, ang Baler ang nararapat na maging kinatawan ng Pilipinas para sa nasabing patimpalak dahil bukod sa hulagway ito ng kasaysayan ng bansa, mahusay din ang pelikula sa lahat ng aspeto tulad ng direksyon, sinematograpiya at pagpili sa mga artista na gaganap.
JAY. Isa ring independent film ang Jay na kalahok sa ika-apat na Cinemalaya Film Festival 2008. Ito ang kauna-unahang pelikula na idinerehe ng baguhang direktor na si Francis Pasion. Tampok dito sina Baron Geisler na gumanap bilang baklang prodyuser, at tinanghal bilang Pinakamahusay na Pagganap ng Isang Pangunahing Aktor sa nasabing award-giving body at si Coco Martin na kamakaila'y tinanghal bilang Best Actor para sa pelikulang Serbis sa katatapos lang na ika-32 Gawad Urian.
*Ang paksang tinatalakay sa pelikulang ito ay lubhang sensitibo kaya naman ideyal na kinatawan subalit hindi tiyak kung magugustuhan ng mga hurado ang direksyon lalo na sa panahon ngayon kung kailan sinasabing ginintuang panahon ng mga independent films.
100. Kalahok din sa ika-apat na Cinemalaya Film Festival 2008 ang pelikulang 100 na pinagbibidahan nina Eugene Domingo, Tessie Tomas at Mylene Dizon (na nagwagi bilang Best Actress). Hinakot nito ang mga parangal sa Cinemalaya tuald ng Best Director (Chris Martinez); Best Screenplay (Chris Martinez); BestSupporting Actress (Eugene Domingo) at Audience Choice Award. Naging kinatawan din ng bansa ang pelikula sa mga pandaigdigang patimpalak tulad ng Festival du Film de Marrakech 2008 sa Morocco at ika-13 PUSAN International Film Festival sa South Korea. Naging Audience Choice Award din ito sa naganap na Korean New Network 2008.
*Mahusay din ang pagkakagawa ng pelikula ngunit hindi gaanong napansin nang maihanap sa mga pelikulang nauna nang nabanggit.
ADELA. Ang beteranang aktres na si Anita Linda ang pangunahing tauhan ng pelikulang Adela. Naging Best Actress siya ng FAMAS (dalawang beses), Gawad Urian, Young Critics Circle at Gawad Tanglaw. Isa ang Adela sa mga pelikulang kalahok para sa ContemporAsian na gaganapin sa Museo ng Modernong Sining (Museum of the Modern Art) sa New York. Naging kinatawan din ang pelikula sa mga prestihiyosong patimpalak sa Toronto, Pusan, Rotterdam at Moscow.
*Tiyak na maantig ang damdamin mo sa paraan ng pagkakaganap ng beteranang aktres na si Anita Linda ng pangunahing tauhan. Para sa akin, ito ay ikalawa sa Baler.
PBA09spqr315