Showing posts with label SATANAS. Show all posts
Showing posts with label SATANAS. Show all posts

6.28.2011

DUGO ni satanas at LUHA ng isang anghel


Naglalakad ako sa hardin na yon, hindi ito pangkaraniwan. Nakangiti sa akin ang haring araw, nagsisiawitan ang mga ibon at nagsasayawan ang mga berdeng damo’t makukulay na bulaklak.

Marahil ito ang tahanan ng aking kaluluwa, wala akong marandaman na pighati, sakit at lungkot. Dahan-dahan akong naglakad  kasama ang sariwang hangin, tila ginagabayan ako ng isang mabait na diwata at yakap ng isang makapangyarihang bathala.

Subalit nabasag ang kapayapaan sa sigaw ng isang babaing naghihimagsik kasabay nito’y nakita ko ang isang matulis at matalim na punyal na naglakbay kasabay ng hangin at ilaw patungo sa aking dibdib.

Nagdilim ang langit at wala ni pusikit na liwanag akong masilayan. Natikman ko ang dugo ni satanas, mapait ito’t puno ng galit at paghihiganti. Dalawang anghel ang dumakit sa akin at dinala ako sa isang maliit na barung barong, nasilayan ko ang aking laman-lupa, pilit kong binuksan ang aking mga mata at pagdakay naaninag ko ang mukha ng isang matandang ermetanyo.

Matanda at mahina na ang ermetanyo, siya ang tumawag ng mga diwata upang may humugot sa punyal na nakabaon sa aking dibdib at isang anghel ang lumuha upang bawat patak sa aking dibdib ay magsara ang namimighating sugat nito.

Ang babaing yon na naghagis ng punyal sa aking dibdib ay isang madilim at malabong alaala na lamang maliban na lamang sa aking hiling sa mga diwata na wala ni isang anghel ang dadalaw sa kanyang sinapupunan.

Humahangos ako ng ako’y tumindig mula sa pagkakatulog. Isang panaginip. Ang hardin, ang babae, ang dilim at liwanag, ang ermetanyo, diwata’t mga anghel. Isang mapait at matamis na panaginip. Kinapa ko ang aking dibdib, wala ang sugat subalit nakita ko ang isang peklat na walang luha ng diwata at mga anghel ang makakabura.

Nililimot ko ngayon ang panaginip na ito. Sa kaibuturan ng aking kaluluwa pilit kong pinapalitan ng magagagandang alaala ang pait ng nakaraan. Binawi ko ang aking hiling sa mga diwata subalit huli na sapagkat inukit na nila ito sa bato at ibinigay sa bathala.

Sa dako pa roon ng buhay kakatagpuin ko ang aking bathala at biblhin ko ang batong yon gamit ang naghilom na sugat at mga aral ng panahon at higit sa lahat ng pusong nagparaya at handang magmahal.

PHOTO CREDIT.