Magandang araw po sa inyo! Ako po si Rejie Agdigos, dating sakristan at mayor ng Knights of the Altar ng Parish of Saint Martin de Porres under the Jurisdiction of Diocese of Imus, Cavite. Akin pong pinasisimulan ang article-reflection na ito na tinatawag kong Soup of Lent (a 7-day reflection for the lenten season).
At ang pamagat ng ating pagninilay sa Unang Lunes ng Kuwaresma ay ANG PAGIGING MALAKAS SA KABILA NG KAHINAAN. Tila napuna ninyo na magulo ang title na pinili ko. Actully hindi po. Atin pong simulan ang pagninilay na ito sa isang kuwentong buhay.
Katatapos lang ng Second Semester. Nakakapagod, pero ayos lang kasi ganoon naman ang nag-aaral e. Madaming project sa eskwela, madaming mga pagsusulit din kaming hinarap. Nariyan yung nakikita ko yung mga higher year IT Students na graduating na nagtutumpukan sa tapat ng Alumni Office ng Adamson University, kaharap ang kani-kanilang mga laptop at mga thesis papers na nirerebisa at matamang pinag-aaralan. Kita ko sa kanila ang pagsusumikap na makapasa upang makasama sa martsa para sa graduation. Maganda ang kanilang ginagawa, sila ay nag-susumikap at nagtitiyaga upang makakuha ng magandang grades. Sinasabi ko sa sarili ko, sana kapag umapak ako sa yugto kung saan kami naman ang nagtutumpukan at abala sa aming Thesis ay nawa'y makayanan ko at makayanan ng mga kagrupo ko.
Merong isang pangyayari sa nakalipas na semestre na hindi ko makakalimutan, ang ilang-beses naming pagpupuyat dahil sa subject namin sa System Analysis and Design na naging sulit naman dahil nakapasa po kaming apat, sina Judy, James at Michelle. Pero meron pang isang pangyayari na hindi ko makakalimutan sa semestre na nagdaan, ito ay ang pagkamatay ni Jeff. Si Jeff, hindi naman kami close na magkaibigan, madalas ay nakaka-angasan ko kasi sa sobrang kulit. Sa apat na sulok ng kwarto namin, siya ang tinaguriang Joker ng Klase. Sa hindi inaasahang pangyayari, hindi natural death ang kinamatay ni Jeff, isang suicide. Nabalitaan ko ito sa Facebook at sa isang Diyaryo. Wala sa karakter niya na gagawin ang ganoong bagay. Pero kung anoman ang dahilan nito ay nawa'y pagpahingahin nawa ng Poong Maykapal ang kanyang kaluluwa.
Unang araw ng klase kung saan kaklase ko si Jeff, at matapos na nabalitaan ko ang naganap sa kanya, bago magsimula ang klase namin ay parati kaming nagdarasal, bawat klase namin sa iba't ibang asignatura ay nakagawian na naming magdasal. Noong araw na iyon, ramdam ko ang katahimikan na nakakapanibago at ang kalungkutan. Dumating ang professor namin, at ako ang pinagdasal. Sa hindi inaasahan, sumagi sa isip ko si Jeff, kasi nabanggit ng prof namin ang nangyari kay Jeff at hinihingi niya sa amin na ipagdasal si Jeff sa umagang iyon. Binubulong ko sa isipan ko na dapat maging malakas ako! Magpakita ako ng kalakasan sa kabila ng kanilang kahinaan at magkahinayang sa nangyari kay Jeff. At nang hindi ko na nakontrol ang aking sarili, hindi na ako nakapagsalita at unti-unti na lang pumatak ang aking luha. May mga lumuha din, lalo na sa mga tunay na kaibigan ni Jeff. At kalaunan, siya ay nilibing at tila hindi ko na siya makikitang makulit, maangas at magpapatawa sa amin.
Mga kapatid, nasaksihan ko po na sa kabila ng nangyari kay Jeff ay marami akong napunang mga kapwa kong estudyante na iba't iba ang kanilang mga agam agam ukol sa ginawa ni Jeff. Ok, nirerespeto ko ang kanilang mga pananaw ngunit sino tayo upang humusga sa ating kapwa? Sino tayong madalas ay nagmamalinis at pumupuna lamang sa dungis ng ating kapwa? Mga kapatid, ang lahat ng tao ay may kahinaan. Kahit pagkalakas-lakas mong tao, kahit ikaw pa ang pinakamayaman sa inyong komunidad, kahit ikaw pa ang celebrity sa inyong pangkat, ikaw - tayo - lahat tayo ay may kanya-kanyang kahinaan. Maging ako, noong nagdasal ako sa umagang iyon na dapat ay hindi ako nagpakita ng pagluha na dapat ay nagpakita ako ng Kalakasan sa kabila ng kanilang panghihinayang.
Maging si Kristo mga ay nagpakita ng kahinaan. Kung ating magugunita ang istorya ng kanyang pagdarasal sa halamanan ng Getsemane, idinalangin niya sa Diyos Ama na “tanggalin sa kanya ang Kalis ng paghihirap.” Ngunit sinunod pa rin niya ang kalooban ng Ama. Ibinigay niya ng buong-buo ang kanyang sarili nang ipako siya at mamatay sa krus para tubusin ang ating kasalanan. Kung tutuusin ay hindi na niya kailangang gawin iyon dahil Diyos na siya. Pero ginawa pa rin niya iyon nang dahil sa pagmamahal. Humugot si Hesus ng kalakasan na sundin ang hula sapagkat ito ang nakatakda at dahil sa pagmamahal niya sa sangkatauhan.
Bilang panghuli, isang tanong ang aking iiwan sa inyo. "...kung saka-sakali man, saan ka huhugot ng kalakasan sa kabila ng kahinaan nating lahat?"
Salamat sa pagbasa at nawa'y namnamin natin ang linggong ito.