Sa iyo,
Malamang pag nabasa mo ‘to, nasa Pilipinas na ko. Pwedeng nakikipag-inuman, nakikipag-kwentuhan o kaya eh nagsisimula ng panibagong kinabukasan. Simula dahil kailangan ko ulit mag-umpisa.
Nakipagsapalaran ako sa Singapore. Ang dami ko na kasing kwentong narinig tungkol sa mga Pinoy na umasenso dahil sa pagtatrabaho nila sa SG. Yun bang umaalis bilang turista habang kinakabahan at halos maihi habang nasa Immigration sa NAIA. Pero pag nakalusot, parang nabunutan ng tinik at maluwag na silang nakakahinga.
Nung umalis ako ng Pinas, baon ko lahat. Nag resign ako sa trabaho at dala kung ano man ang perang naipon ko. Siyempre ang malupit, bumili ako ng mga bagong damit. Ang gaganda ng tabas ng mga bago kong long sleeves. Yun bang mga uso ngayon na sakto lang sa katawan tapos itutupi ang manggas ng lagpas sa siko. Sa isip isip ko lang, aba eh kung sakaling nasa opisina na ko, hindi naman ako papahuli sa porma ng mga katrabaho ko kahit baguhan lang ako.
At isa pa, ang sabi kasi mas mahal daw ang mga ganuong pamorma sa SG.
Bago rin ang mga medyas ko, iniwan ko na yung mga naghihimulmol na pinaglumaan. Mahigit sampu rin ang panyong binili ko sa may footbridge papunta sa SM North. Pareho din naman kako kasi ang mga iyun dun sa mga tinda loob ng department store. Siguro may ilang depekto nga lang.
Maliban sa mga bagong brief kong sinusuot, umorder pa ko anim na piraso sa kapit bahay namin. Pinili ko ang pinaka malulupet na design mula sa catalog nya. Tulad na lang ba nung may print na mangangagat na tigre sa harap o kaya eh yung mga disenyong tribal-tribal ek ek.
Kahit medyo matagal-tagal na rin akong di nakakapag suot ng katad na sapatos, bumili na rin ako. Yung bang medyo tulisan ng konti. Poporma na rin lang tayo edi isagad-sagad na di ba?
Sa madaling salita handa ako! Naka kondisyon ang isip ko na medyo matagal-tagal din akong mawawala ng Pinas. Pero ayus lang yun, asenso naman ang kapalit nun eh. Sabi nga, kung kikita lang sa Pilipinas ng katulad kikitain sa abroad, bakit nga ba iiwanan ng isang tao ang pamilya at mga mahal niya sa buhay di ba? Basta para sa kanila.
Iyun nga lang, iba sa sitwasyon ko. Sabi ko nga, pag sakay at pagbaba ko ng eroplano, walang kasiguraduhan. Sugal lang.
Sa kasamaang palad...natalo ako sa sugal.
Di ko alam kung bakit. Di ko rin naman tatanggapin na bobo at wala akong diskarte. May mga posisyon naman kasi na swak ang pinag-aralan at karanasan ko, nakaka excite nga magpadala ng application sa kanila eh. Yun nga lang, iisa lang lagi ang sinasabi nila tuwing tumatawag at nagtatanong ako. Hindi daw pwede para sa mga foreigner yung posisyon.
Hanggang sa dumating na nga ang araw na mapapaso na ang pass ko dito. No choice. Nakapag extend na ko kaya kailangan ko nang umuwi.
Okay sanang maging OFW at mapabilang dun sa mga kababayan nating nagtitiis at kumakayod sa ibang bansa basta nakikita lang yung bunga ng pinaghirapan nila. Magandang pakiramdam yung mabili at maipadala mo yung mga binibilin nila tuwing nakakausap mo sila. Kahit malayo ka, konswelo na yung alam mong hindi sila kinakapos.
Paminsan minsan, may mga araw din lalo na kapag walang pasok na makakasama sa inuman yung ilang kababayan na makikilala. Kwentuhan, tawanang walang humpay at baka minsan o madalas eh may pataasan pa ng ihi. Iba –iba man ang dahilan, pagdating sa dulo magkakasundo rin kung bakit kayo nagkasama-sama.
Sayang hindi ko pala mararanasan yun. Halos di ko rin nakakinabangan ang mga bagong damit ko.
Umalis ako ng Pilipinas hindi dahil gusto ko. Umalis ako dahil kailangan. Sabi nga ng isang kaibigan, walang umaalis at tumatalikod dahil gusto nila, kailangan lang talaga. Sino nga ba naman ang gugustuhing iwanan ang pamilya? Magtitiis ka dahil kailangan.
Naghangad lang naman ako ng asenso. Sabi ko nga sugal. Ganuon talaga, pwedeng matalo pero ayus sana kung mananalo. Iyun nga lang, kaniya kaniya kasing baraha. Hindi lahat pwedeng makakuha ng alas.
Nakakapanlumo. Pero no regrets. Ginawa ko lahat ng kaya kong gawin. Higit sa lahat, ginawa ko rin yung ayaw kong gawin, yung umalis.
Sa isang banda, masayang nandito na ulit ako. Wala na ding homesick. Hangad ko na lang, malagay sana sa tamang direksyon ang bagong pagsisimula ko.
Salamat sa pakikinig sa kwento ko (bagamat alam kong binasa mo).
Ako™
Ang sulat sa taas ay mula sa isang Kaibigang nangarap na maging isa sa milyong-milyong OFW.
Ang image ay mula sa pinoylife.jp
Ang image ay mula sa pinoylife.jp