Showing posts with label Muni-muni moments. Show all posts
Showing posts with label Muni-muni moments. Show all posts

Ang Haircut ay parang...


Swerte mo kung may suki ka ng hairstylist na pagkakita pa lang niya sayo eh hindi mo na kailangan magexplain kung anong gupit ang gusto mo dahil alam na niya yung style na gusto mo (maliban na lang siguro kung may kaunting pagbabago sa gusto mong ipagupit na style.)

Parang pag-ibig, inaalam mo o halos kabisado mo na ang gawi, kilos at lahat lahat na tungkol sa taong mahal mo. Kadalasan, hindi mo na kailangan pang magtanong. 


Medyo risky naman kung paiba iba ka ng hairstylist. Nandyan yun magsesearch ka pa sa google ng hairstyles na gusto mo ipagaya, isasave sa phone at pagdating sa salon ipapakita mo yung mga nakalap mong mga litrato. O di kaya naman on the spot titingin ka na lang sa hairstyles magazine na iaabot sayo nung stylist. At dahil dun, malaki ang posibilidad na hindi magaya exactly yung haircut na gusto mo. Nakadepende din kasi sa hair type mo at sa pagkakaintindi ng stylist mo sa style na gusto momg ipagawa. So after ng haircut session, dalawang bagay lang, either madisappoint ka dahil mukhang namurder lang yung hair mo o matuwa ka dahil gandang ganda ka sa new look mo at feeling mo bagay na bagay sayo.

Parang pag-ibig, kailangan mong sumugal at magtiwala na magiging maayos ang lahat. Na hindi mo pagsisisihan anuman maging resulta. 



Ilan nga ba sa atin ang hirap na hirap magdecide kung magpapagupit ba o hindi? Lalo na yung mga long haired na biglang naisipangmagpashort hair. Sabi nga, pag ang babae nagpagupit, brokenhearted yan o di kaya gusto ng new change..well kadalasan, pareho diba? Sa normal na dahilan at walang halong kadramahan, nagpapahaircut ang isang tao for grooming purposes, clean look para sa mga guys at prettifying move para sa mga girls.

Parang paglelet go, minsan kasi pag sobrang haba na ng panahong pinagsamahan, ang hirap na bigla o basta na lang puputulin. Andun ung pipiliin mo pa rin na i-keep yun length na baka sakaling kapag mas humaba pa e ikaganda ng takbo ng nanganganib niyong relasyon. Minsan talaga kelangan mo ng magdesisyong magdetach dahil may split ends na at kahit pahabain mo pa hindi na rin worth it.



Yun totoo hindi ko alam kung anong sense ng sinulat ko basta tinype ko to sa notepad habang nakapila't naghihintay sa isang salon sa Ortigas. O.A man pero mahigit isang buwan kong kinumbinsi yun sarili ko para magpagupit ng mas maiksi sa default haircut length ko. Oo weird pero may phobia ata ako sa ganun kahit na alam ko in time hahaba din naman ulit. Anyway, may moment sa salon na parang gusto ko ng magback out kasi feeling ko natakot ako for whatever reasons kaso pinigilan ko yun sarili ko at mejo nahiya na rin kasi akong tumayo sa kinauupuan ko. At saka napagdesisyunan na so wala ng atrasan. Jusmio magpapagupit lang naman diba? Bahala na si batman at lahat ng marvel super heroes pati yung mga anime characters na din. Haha.

Parang pagdedecide, kung gagawin mo ang isang bagay dapat sigurado ka, buo ang loob mo at hindi yun napilitan ka lang na anytime pwedeng magbago yung isip mo. Kailangan mong labanan yun takot mo at magstick sa kung anong nakaplano o nais mong matupad. Tandaan mo wala kang pakpak kaya wag mong iwan sa ere yun sarili mo dahil tiyak babagsak ka. 




Aja aja hwaiting!

True Love WAITS...

Mula ng lumisan
Tanging kasama'y kalungkutan
Naghihintay at nag-aabang ng liwanag
Sa kadiliman ng landas na kinasadlakan
Walang maaninag at tila naligaw

Muling nagbabalik mga alaala
Ang pighati't sakit na pinagdaanan
Isip ay litong lito at di na alam kung saan tutungo
Muntik ng bumitaw sa lubid ng buhay
Sapagkat wala ng pag-asang natatanaw

Naiwang mag-isa sa karimlan at kasawian
Patuloy sa pagdurugo itong sugatang puso
Hanggang kailan luluha
Hanggang kailan aasa
Naghihintay nga lang ba sa wala

Ipagpapasalamat pa nga bang nilisan
Sapagkat nalantad 'yong tunay na kaanyuan
Yaong mapagbalatkayong damdamin
At mabulaklak na mga salitang labis na pinaniwalaan
Mga pangakong napako't naglaho na lamang

Nagkaganoon man ang kapalarang nasumpungan
Batid na darating ang araw na muling babalik ang tamis ng ngiti
Ang mata'y kikislap animo'y maningning na bituin
Pati ang kalooban ng puso't damdamin
Mag-uumapaw sa labis na kagalakan

Kailanma'y hindi maghahanap ng anumang pagsinta
Kusang darating kung mayroon mang darating
Nakapinid man ang pinto'y di nakakandando
Ito'y bukas at malugod na tatanggap ng
 tunay na pag-ibig.





Ang Buhay parang Life

Lahat tayo mawawalan. Hindi nga lang sabay sabay. May kanya kanyang panahon kung kailan kukunin sa atin yung akala natin...panghabambuhay.

Walang malas o swerte sa buhay. Bawat tao may kanya kanyang pinagdadaanan. Walang mayaman o mahirap, lahat may pakiramdam.  Yung maranasan na magtagumpay at gayundin ang mabigo. Ang tumawa na parang wala ng bukas at ang umiyak na parang wala ng kinabukasan. Halos lahat nakakaramdam ng kaligayahan at lahat din nakakaramdam ng kalungkutan. Yung maiyak sa sobrang tuwa at yung maging manhid na sa sobrang sakit.


Pero anuman ang dinaranas ng bawat tao sa mundong ito, gaano pa man ito kabigat o kagaan, kasaya o kasakit, kahirap o kaginhawa — mawawala rin balang araw. Oo babawiin rin, dahil lahat may katapusan kahit pa anung gawin nating pagpigil. Katulad ng mga bagay gaano man natin higpitan ang hawak, kusang aalpas at mawawala sa atin. Minsan may mga bagay lang talaga na kahit ingatan pa, sadyang hindi nakalaan para magtagal. Hiram lang. Hindi nakatakda kung hanggang kailan para sayo. Hindi batid kung kailan yung expiry date.  Parang bomba na lang na biglang sasabog sa harapan mo na its either magbigay ng bagong pag-asa  o maging dahilan ng tuluyang pagkasawi. Pero hindi naman sabay sabay kinukuha ang mga yun.. May nauuna, may nahuhuli at mayroong ilang nakakaligtas pansamantala sa laro ng tadhana. Yung mga pagkakataong darating na isa-isang mawawala yung mahahalaga sa atin. Hanggang dumating sa punto na maramdaman na lang natin na may kulang na sa buhay natin. May nawawala. Masaya pero parang hindi naman talaga. Kumpleto na pero parang may dapat pang hanapin upang tuluyang mabuo. Na minsan dahil sa pride akala natin okay lang at kaya nating ihandle maibalik man o hindi hanggang sa pati yung ating sarili, maiwala na din natin.


Nakakabaliw at nakakamangha sa magkasabay na pagkakataon. Darating sa puntong kailangan na lang tanggapin kung bakit nagkaganun o  di kaya'y labis ipagpasalamat dahil naging ganun. Maraming bagay sa mundo na mahirap intindihin kahit na madalas napakasimple lang naman. Tayo lang ang nagpapakumplikado ng lahat. Minsan kasi dahil sa tuwa o di kaya sa galit kaya napapasobra. Maaari ring dahil sa pansariling kagustuhan o labis na pagtutol kaya ipinagpipilitan, makamit lang yung inaasahang mangyari. 


Sa huli, walang ibang tamang gawin kundi ang mabuhay ng patas. Kalimutan ang hindi na dapat alalahanin. Tanggapin ang bawat bagay ng walang reklamo at pagaalinlangan. Hanapin ang dapat hanapin. Ibalik ang kaya pang ibalik at hayaan na ang hindi na pwede. Subukang laging manalo sa pagsugal sa kapalaran. Magpasalamat sa lahat ng nakamtam at nawala na. At higit sa lahat,
     harapin ang bawat bukas na parang yun na ang huling araw na darating.



"Balang araw mawawala ang lahat, 
kahit pa yung pinakamaliit na bagay na dahilan 
para mabuhay.."

PINAY AKO

Hindi ko paboritong subject ang Filipino, masyadong jologs at makaluma.  Hindi tulad ng English na talaga namang paborito ko mula pa elementary hanggang highschool.  Laging mataas yung score kosa mga quiz, mga essay at testpapers.  Pagdating sa Filipino sakto lang naman yung score ko minsan pasang-awa pa.  Pag english yung essay ang saya saya ko kasi ang dami kong idea at hindi ako nauubusan ng mga salitang gagamitin pero pag Tagalog na yung essay, nangangamote ako at kadalasan kinakatamaran ko kasi wala akong maisip na topic o idea. Hindi naman ako bobo pero madalas kasi baluktot ako magtagalog kaya nga lagi ako napagkakatuwaan ng mga kaibigan ko.  Hindi sa nagpapatawa ako sadyang natural lang na minsan mali-mali ako.

Sa paglipas ng panahon, hanggang makagraduate ako nairaos ko naman lahat ng subjects ko lalo na yung Filipino at kasabay nun natutunan ko na din makasanayan ang pagsusulat ng tagalog. Oo nga't nakasanayan ko na magsulat sa wikang ingles pero namangha ako sa mga nalaman ko lalo na yung mga malalalim na salitang tagalog, ang sarap pakinggan at ramdamin. Nakakatuwa. Oo nga't jologs at makaluma pero may mga salitang tagalog lamang ang makakapagbigay ng tamang kahulugan.  Pakiramdam ko naman tuloy masyado naman akong naging makata.

So ayun, sabi nga ni Dr. Jose Rizal:  
"Ang di magmahal sa sariling wika ay daig pa ng malansang isda".