
Nakakatawa naman ang naging bunga ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng buto na naging bunga, na lamang ugat pala, na dinurog ang naging palaman kahit mukang jebs na giniling at pinalapot. Peanut butter ba!?
Yung daw kasing isa sa kilalang peanut butter eh mayroong salmonella, isang uri ng bacteria na posibleng magdala ng sakit.
Parang larong domino, sinasapol nito ngayon ang iba pang tindang tingi-tingi sa palengke. Siyempre una na diyan yung peanut butter mismo. Simpleng lohika lang daw, kung ang kilalang brand eh may bacteria, mas lalo na daw yung mga tingi-tingi na di alam kung saan ginawa.
Kaya naman babala ng matatalino, ipagbabawal daw ang pagtitinda ng mga tingi-tingi dahil nga banta daw sa kalusugan!
Naisip ko lang, ewan ko kung naisip mo rin o kasalukuyang sumasagi sa isip ng katabi mo pero…pinag-isipan kaya nila ang babalang iyun?
Kung ipatutupad kasi, saan na kaya pupulutin ang mga kapwa ko mahihirap at anak pawis?

Napagtanto kaya nilang wala sa kalingkingan ang bilang ng mga Pinoy na nagpupunta sa palengke at pinagkakasya ang kakarampot na pera kumpara sa mga pinagpalang namimili sa Cash and Carry o sa Puregold?
Sa dinami-dami ng bakteryang nabubuhay sa mundong ibabaw lalo na sa palengke, at sa di mabilang na pangangailangan nating nabibili naman na walang tatak, iisipin pa ba ng mga taong kumakalam ang sikmura ang bakterya?
Eto ang eksena: may isang bumibili ng kalahating long neck ng mantikang nanggagaling sa balde, may isang lumapit at nagmagaling at naglitanya…“alam nyo po ba na ipinagbabawal na ang tingi-tinging mantika dahil may kung anu-ano pong bacteria na natatagpuan diyan na posibleng magdulot sa inyo ng karamdaman?”
Wag kang umasa na sasagot ang mamimili ng “ah ganun ba, sige yung mamahaling Minola cooking oil na lang bibilin ko!” At sa halip baka nga banatan ka pa nila ng…“ano ang magagawa namin eh ito lang kasya, kung gusto nyo bigyan niyo kami ng pambili!”
Aba eh kung ipagbabawal ng magagaling ang tingi-tingi o de takal na peanute butter, ipagbawala na rin ang tokwa, suka, de blokeng yelo, bagoong, mantikilya at iba pa! Kasi nga, walang tatak at hindi alam kung saan ba sila ginawa.
Mas makakabuti na rin siguro na ipagbawal ang pagbili ng dirty ice cream dahil sa pangalan pa lang madumi na!
Ang mga bulig, tilapia, kangkong at iba pang nabubuhay sa tabang, aba teka at baka sa mga nakalubog na libingan nanggaling ang mga iyan!
Haaaay banta daw sa kalusugan!
Pataasan lang yan ng immune system!
®