Marahil dahil nagustuhan ko ang namumulang dog tag nila sa back&white na background o sa tyempong lumalalim kong kaalamang politikal na impluwensya ng mga tao sa paligid ko, naging interesado ako sa kilusang ang ito mula ng mapanood ko ang commercial nila.
Simple lang naman ang nais nilang iparating, na sana ang bawat Pilipino ay magkaroon ng pananagutan sa bansang ito at kumilos ang bawat indibidwal para sa mas mabuting Pilipinas. Totoo na ang bawat isa sa atin ay naghahangad ng malinis na pulitika para sa isang marangal na gobyerno,payapang bansa at panatag na mga mamamayan. Halos isuka ko na ang ating tiwaling pamahalaan dahil sa kurakot na mga opisyal at bulok na sistema, ngunit wala ba akong kinalaman sa atrasadong kalakarang ito?
Kung AKO MISMO ay nandaya ng time-in sa fast food a pinaglingkuran ko dati dahil nakakalusot naman; AKO MISMO ay ay tumatawid sa kalsadang may "No Jaywalking" sign dahil wala namang nakabantay na TMD; AKO MISMO ay sinisiraang-puri ang teacher ko dahil binigyan nya ako na 3.0 na marka; AKO MISMO ay hindi nagbabalik ng sukli sa pinabili saken dahil nakalimutan na din naman nya..may ipinagkaiba pa ba ako as kanila? Hindi kaya isinusuka na din ako ng Pilipinas?
Bata pa ako, naririnig at nababasa ko na ang panawagan na ang pagbabago ay kailangang magsimula sa mga sarili natin. At magpahanggang ngayon na itinatype ko ito, heto pa rin tayo...
Bakit pa ako magrereview na exam ko kung yun ngang mga kakalase ko nangongodigo lang naman? Bakit pa ako tatayo sa huli nga pila sa NSO kung yung iba nagagawang sumingit lang? Bakit pa ako magpapakabit ng sariling linya ng kuryente kung yung mga kapitbahay ko gumagamit lang naman ng jumper? Totoo, mahirap tumungong hilaga kung lahat sila nakakabunggo mo dahil papunta s kabilang direksyon. Kaya naman, heto pa rin tayo.
Nang bisitahin ko ang kanilang website, madaming nagpahayag ng kani-kanilang commitments sa bayang ito. Mula sa simpleng "Ako Mismo ay susunod sa batas trapiko." hanggang sa malalamang "Ako Mismo ang kikilos upang masugpo ang pagwawalng bahala sa karapatan ng mga Pilipino. Maging ako mismo ay nagsimulang mag type na "Ako mismo ay tutulong sa pagtataguyod ng isng gobyerno na totoong makatao." Ikaw, kelan mo sasabihing "AKO MISMO"? Manindigan ka mismo.